LUNGSOD NG ISABELA, TUMANGGAP NG P3-MILYON MULA KAY PANGULONG MARCOS PARA SA REHABILITASYON MATAPOS ANG LINDOL

Date posted:

Tumanggap ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa ilalim ng pamumuno ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ng P3 milyong tulong-pinansyal mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang suporta sa mga rehabilitasyon at agarang pagtugon kasunod ng Magnitude 7.8 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao noong Hunyo 8.
Pormal na tinanggap ang tseke sa ngalan ng lungsod nina City Treasurer Arien Claire Flores at CSWDO SAO Robert Arseña sa isinagawang “Situation Briefing, Turnover of PTVs, and Distribution of Socio-Civic Projects Fund (SCPF) Assistance to Affected Cities and Provinces” na ginanap sa Lungsod ng General Santos, Hunyo 15.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang situation briefing kasama ang mga opisyal ng pambansang pamahalaan at LGUs mula sa mga apektadong lugar upang tasahin ang lawak ng pinsala at tiyakin ang agarang pagmomobilisa ng tulong at rehabilitasyon para sa mga komunidad na naapektuhan ng lindol.
Bahagi ng aktibidad ang pagtalakay sa mga agarang interbensyon ng pamahalaan para sa imprastraktura, serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at kapakanang panlipunan, bilang tugon sa epekto ng malakas na pagyanig sa Mindanao.
Ang ipinagkaloob na P3 milyong ayuda para sa Lungsod ng Isabela ay inaasahang magsisilbing karagdagang suporta sa pagpapatupad ng mga programang rehabilitasyon at pagtugon ng lungsod para sa mga naapektuhang komunidad.
Patuloy namang pinagtitibay ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela ang pakikipagtulungan sa pambansang pamahalaan upang matiyak ang maagap, episyente, at makataong pagtugon sa panahon ng sakuna at kalamidad. (Ambag na Ulat)
Scroll to Top