Nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela, sa pakikipagtulungan sa Bureau of Local Government Finance (BLGF), ng isang pagsasanay at workshop para sa pag-update ng City Revenue Code na hindi pa nababago sa nakalipas na 16 na taon. Ang aktibidad ay isinagawa noong June 8–11 sa Bayan ng Sumisip, at patuloy pa ring isinasagawa hanggang sa kasalukuyan.
Layunin ng aktibidad na suriin at iakma ang umiiral na Revenue Code sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya, mga bagong batas, at mga patakarang makatutulong sa pagpapalakas ng kakayahan ng lungsod sa pangongolekta ng lokal na kita.
Sa pamamagitan ng pagrepaso at pag-amyenda sa Revenue Code, inaasahang higit pang mapatitibay ang fiscal management ng lungsod, mapalalawak ang pinagkukunan ng pondo para sa mga programa at serbisyo, at masisiguro ang patas at makatarungang pagpapatupad ng mga lokal na buwis, bayarin, at singilin.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela, sa ilalim ng pamumuno ni Alkalde Sitti Djalia Turabin-Hataman, upang maisulong ang mabuting pamamahala, responsableng pananalapi, at mas mahusay na serbisyo para sa lahat ng Isabeleño.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Alkalde Turabin-Hataman ang kahalagahan ng pag-alis sa comfort zone upang matuto at umunlad. Aniya, “Every time we go out of our comfort zone, we learn something. Tulad ng sinasabi ko noong ZPRAA, akala natin hindi natin kaya pero nakayanan natin. I’m very happy to hear Sir Allan say na expert na kayo on the toolkit and the shotgun approach. And we are one of the first, not just in the region but in the whole country. Thank you so much for gifting us with this skill and capacity.”
Ang nasabing pagsasanay ay pinangunahan ng mga resource persons mula sa BLGF, na sina Financial Analyst III Peterleo Rabulan, Local Treasury Operations Officer III Jay Mar, Local Treasury Operations Officer IV Allan Luy, at Local Assessment Operations Officer IV Charlie Cruz Gabreza. Kabilang sa mga dumalo ang mga kinatawan mula sa City Treasury Office, City Tourism Office, City Information Office, City Health Office, City Engineering Office, City Planning and Development Office, City Agriculture Office, Business Permits and Licensing Office, City Veterinary Office, City Assessor’s Office at City General Services Office. (Kuha ni M. Santos, CIO)
