FLOAT NG DEPED-ISABELA CITY, WAGI SA 2026 ‘PARADA SAKAYAN’

Bilang bahagi ng engrandeng pagdiriwang ng Ika-25 Anibersaryo ng Lungsod ng Isabela, tampok sa pampinid na palatuntunan ng Sakayan Festival ang inaabangang Parada Sakayan Boat Float Competition, na nagpakita ng mayaman na pamanang pangkaragatan at makulay na pagkakakilanlan ng Lungsod ng Isabela.
Isinagawa noong ika-2 ng Mayo 2 sa pagbubukas ng National Heritage Month, ang makabuluhan at masiglang pagtatapos ng selebrasyon, na nagbigay-diin sa maritimong kultura, multikultural na pagkakakilanlan, at matibay na diwa ng pagkakaisa ng komunidad.
Sa temang “Isabela City at 25: Reflections and Directions,” itinampok ng fluvial parade ang kahalagahan ng mga sakayan, hindi lamang bilang sasakyang-pandagat kundi bilang simbolo ng pinagsasaluhang kasaysayan at paglalakbay tungo sa pagkakaisa, kapayapaan, at kaunlaran. Ipinamalas ng bawat kalahok ang kani-kanilang kultura sa pamamagitan ng malikhaing disenyo ng kanilang mga bangka, na ginawang buhay na entablado ang dagat ng mga kwento at tradisyon.
Itinanghal na kampeon ang DepEd SDO – Isabela City, na pinahanga ang mga hurado sa kanilang natatanging presentasyon ng kulturang Tausug, at nag-uwi ng P170,000 at plake ng pagkilala. Pumangalawa ang DOLE – ICFO, na may inspirasyong Sama-Bangingi, na tumanggap ng P150,000 bilang premyo. Samantala, pumangatlo ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) – Basilan sa kanilang Bajau-themed na float, na nagkamit ng P100,000 bilang gantimpala.
Nagkamit naman ng consolation prizes na P20,000 bawat isa ang BNHS, DPWH-Isabela City District Office, Infante Hospital Management Corporation, at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Basilan, bilang pagkilala sa kanilang kahanga-hangang partisipasyon.
Sinuri ang kompetisyon ng mga kilalang hurado na sina Maria Fe Quiroga, isang tagapangasiwa ng museo; Raynald Aguit ng Kahayag Dance Company; Charles Anthony Rotoni ng Provincial Tourism Office ng Zamboanga del Norte; Maria Rosalinda Fernando ng National Museum of the Philippines – Zamboanga; at Ian Ray Garcia, mamamahayag at media tourism worker.
Muli, pinatunayan ng Parada Sakayan na isa itong makapangyarihang pagdiriwang ng kultura, pagkakakilanlan, at pagkakaisa, pinagbubuklod ang iba’t ibang komunidad sa iisang pagpapahayag ng pagmamalaki habang patuloy na naglalayag ang Lungsod ng Isabela tungo sa mas matatag at maayos na kinabukasan. (Sulat ni R. Albani, GAD/Kuha ni KJ Evardo, IsaTV)

Like this article?

Share on Facebook
Share on Twitter
Share on Linkdin
Share on Pinterest

Leave a comment

[fbcomments]

Recent Post

Scroll to Top