Sa pangunguna ni Alkalde Sitti Djalia Turabin-Hataman, personal na binigyang-pugay ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela ang pambihirang buhay ni Aksaria Abduhalim, isang sentenaryong residente ng Barangay Riverside na sumapit na sa edad na 101.
Sa ginanap na pagbisita nitong Marso 19, kasama ang mga kinatawan mula sa Tanggapan ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (CSWDO), Konsehal Yusop Abubakar, at Bokal ng Unang Distrito Ahmed Ibn Djaliv Hataman, pormal na iniabot sa ating nakatatanda ang P100,000 centenarian gift cheque. Ang pagkilalang ito ay hindi lamang pagdiriwang ng kanyang mahabang buhay simula noong siya ay isilang noong Enero 1, 1925, kundi isang pagpapatunay sa tapat na pagkalinga ng lungsod sa sektor ng mga senior citizen.
Ang nasabing insentibo ay alinsunod sa mga probisyon ng Expanded Centenarians Act of 2024 at pinagtibay sa antas-lokal sa pamamagitan ng Ordinans. 21-659. Ang sandaling ito ay naging puno ng pasasalamat at galak, habang sinisiguro ng lokal na pamahalaan na ang bawat Isabeleño na umaabot sa ganitong milestone ay mabibigyan ng karampatang benepisyo, pagpapahalaga, at pagkilala na nararapat sa kanilang mahalagang papel sa ating komunidad. (Sulat ni M. Guerrero/Kuha ni M. Santos, CIO)



