Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng banal na buwan ng Ramadan, nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela ng iftar o bukah sa JW Strong Boulevard, ika-15 ng Marso. Pinangunahan ni Bise Alkalde Ar-Jhemar Ajibon ang nasabing pagtitipon kung saan nagsama-sama ang iba’t ibang sektor ng komunidad upang makibahagi sa pagbasag ng pag-aayuno.
Nakiisa naman sa nasabing hapunan sina Konsehal Asan Al-Ameen Camlian, Konsehal Alexes Infante, pangulo ng SK Federation ng lungsod, Naila Belleng, at IPMR Panglima Jamalul Habibun. Inanyayahan naman ang mga bangkero at mga lokal na manininda na makisalo sa hapag. Ang pagtitipon ay nagsilbing pagkakataon para sa mga mananampalatayang Muslim na magdasal at magsalu-salo matapos ang maghapon na pag-aayuno, bilang mahalagang bahagi ng kanilang paggunita sa Ramadhan.
Higit pa sa isang simpleng handaan, ang aktibidad ay sumasalamin sa diwa ng pagkakaisa, paggalang sa pananampalataya, at malasakit sa kapwa. Sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatiba, patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ang mga programang nagpapalalim ng pagkakaunawaan at pagkakaisa sa komunidad.
Ang iftar na ito ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Tanggapan ng Punong Lungsod at ng Tanggapan ng Turismo Lokal sa pamumuno ni Claudio Ramos II. (Sulat ni M. Guerrero/Kuha ni M. Santos, CIO).
