Pormal na pinasinayaan, ika-6 ng Mayo, ng Kagawaran ng mga Pagawain at Lansangang Bayan-Isabela City District Engineering Office (DPWH-ICDEO), sa pamamagitan ng inisyatiba ni Kinatawan Mujiv Hataman, ang ilang natapos na proyektong imprastraktura para sa Pamahalaang Lungsod ng Isabela, sa pamumuno ni Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman.
Kasabay nito ay isinagawa rin ang groundbreaking ceremony para sa panukalang pagtatayo ng bagong Multipurpose Building sa Isabela City Grandstand.
Bilang bahagi ng selebrasyon, pinangunahan ng DepEd-Isabela City Schools Division Office ang isang masiglang Fun Run at Zumba, na nilahukan ng mga mag-aaral, guro, lokal na opisyal, at miyembro ng komunidad.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Alkalde Turabin-Hataman sa lahat ng tumulong sa proyekto at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan at mabuting pamamahala para maisakatuparan ito. Ayon kay Kongresista Hataman, ang muling pagbubukas ng grandstand ay tugon sa pangangailangan ng publiko para sa maayos na pasilidad para sa sports at mga gawaing pangkomunidad.
Ang bagong bukas na grandstand ay inaasahang magsisilbing sentro ng palakasan, kalusugan, at mga pampublikong aktibidad para sa mga taga-Isabela at buong lalawigan ng Basilan. (Kuha ni M. Santos, CIO)