Para palakasin ang kaligtasan ng publiko at serbisyong pang-emerhensiya, opisyal na pinasinayaan ang istasyon ng bumbero o Malamawi Fire Substation, ika-15 ng Abril, sa Barangay Sta. Barbara, sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa ilalim ng pamumuno ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman at sa pakikipagtulungan ng Kawanihan ng Pamatay-Sunog (BFP).
Bilang patuloy na pagpapakita ng pamahalaang lungsod ng malasakit at dedikasyon sa kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga mamamayan, ang nasabing proyekto ay may kabuuang halaga na P2,574,910.73.
Nagsimula ang programa sa simbolikong pag-uugnay ng fire hose at paggupit ng laso na sumasagisag sa kahandaan ng bagong pasilidad na maglingkod sa publiko.
Nagbigay ng pambungad na pananalita si BFP-Isabela City Acting City Fire Marshal FSINP Vincent Toribio, kung saan ipinahayag niya ang kanyang pagmamalaki sa matagumpay na pagpapasinaya. Binigyang-diin niya ang matatag na ugnayan ng lokal na pamahalaan at BFP, at itinuring ang bagong substation bilang simbolo ng serbisyo publiko para sa Malamawi at buong Lungsod ng Isabela.
Pinangunahan ni Alkalde Turabin-Hataman, katuwang si Sta. Barbara Punong Barangay Jim Fernandez, ang seremonyal na pagsasalin ng simbolikong susi na tinanggap nina BFP IX Regional Director FCSUPT Jerry Candido, Zamboanga Sibugay Provincial Fire Marshal FSUPT Jacqueline Ortega, at FSINP Toribio bilang mga kinatawan ng BFP.
Binasa naman ni SFO3 Vicmar Francisco, hepe ng Administration Section ang kautusang panrehiyonal at ipinakilala ang mga tauhan ng sub-station. Sinundan ito ng paglagda ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela at BFP-Isabela City para sa pormal na aktibasyon ng Malamawi Fire Substation.
Sa kanyang mensahe, muling pinagtibay ni Alkalde Turabin-Hataman ang paninindigan ng lungsod para sa inklusibong serbisyo publiko, na titiyaking kahit ang mga komunidad sa mga kapuluan gaya sa Malamawi ay makakakuha ng agarang tugon sa panahon ng sunog o kalamidad. Pinuri niya ang pagkakaisa ng lahat ng stakeholders na nagsikap upang maisakatuparan ang substation.
Samantala, kinatigan ni Regional Director FCSUPT Jerry Candido ang mga sinabi ng alkalde at binigyang-diin ang layunin ng BFP na dalhin ang mga serbisyong pangkaligtasan sa sunog sa lahat ng komunidad, anuman ang layo o lokasyon.
Sa kanyang pangwakas na pananalita, sinabi ni FSUPT Jacqueline Ortega na ang substation ay higit pa sa isang istruktura, ito ay kumakatawan sa kahandaan, pag-iwas, at proteksyon. Hinikayat niya ang mga bumbero na maglingkod nang may tapang at propesyonalismo, at nanawagan sa komunidad ng Malamawi na maging aktibong katuwang sa mga kampanya sa pag-iwas sa sunog.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga Punong Barangay mula sa Makiri, Kumalarang, Carbon, Lumbang, Kaumpurnah Zone III, Seaside, Menzi, Diki, at Marang-Marang, gayundin sina Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma at Inhinyero ng Lungsod Reynaldo Dagohoy. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)