Matagumpay na pinangunahan ng Tanggapan ng Turismo Lokal ang Joint Tourism – Culture and Arts Councils Meeting na isinagawa sa ika-11 ng Marso, sa pangunguna ni Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma. Dinaluhan ito ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman at nina Konsehal James Abner Rodriguez, Alan Ritchie Luis Biel, Karel Annjaiza Sakkalahul, IPMR Mary May Julhari, at SK Federation President Naila Belleng. Kasama rin sa pagpupulong sina CIO Mendry-Ann Lim, Dr. Nujum Datu Indal, SDO-Isabela City Division Sports Officer Dr. Arnel Hajan, PIA Infocenter Manager Nhilda Delos Reyes, at Nagdilaab Foundation Inc. Executive Director Miriam Suacito, at iba pang mga opisyal at kinatawan.
Ipinresenta nina Tourism Operations Officer II at Culture and Arts Division Head Arriana Jupakkal at Tourism Operations Division Head Hazel Tan ang mga pangunahing tagumpay at mahahalagang inisyatiba sa larangan ng turismo, kultura, at sining noong nakaraang taon. Tinalakay din ang mga paghahanda para sa Sakayan Festival 2025, kung saan itinampok ang mga aktibidad na magpapakita ng mayamang tradisyon, malikhaing sining, at likas na ganda ng Isabela City. Bukod dito, ipinakilala rin ang HABI (Heritage Awards for Builders of Isabela de Basilan), isang programa na nagbibigay ng pagkilala sa mga indibidwal at grupo na may mahalagang kontribusyon sa pagpapanatili at pagpapalaganap ng kultura ng lungsod.
Muling binigyang-diin sa pagpupulong ang matibay na pangako ng administrasyong Turabin-Hataman sa pagpapaunlad ng turismo at kultura, na kinikilala bilang mahahalagang salik sa pag-unlad ng ekonomiya at pagpapalakas ng komunidad. Iginiit din ang kahalagahan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang sektor sa pagbuo ng mga programang inklusibo upang higit pang mapayabong ang turismo at kulturang pamana ng Lungsod ng Isabela. (Sulat ni SJ Askil/Kuha ni M. Santos, CIO)