Sa layuning mapabuti ang sistema ng blood donation sa lungsod, isinagawa ng Isabela Barangay Lady Legislators Association (IBLLA), sa pangunguna ni IBLLA President Misriya Tupay Iddilis, ang programang blood typing, Pebrero 26, katuwang ang Tanggapan ng Kalusugan (CHO).
Sa pamamagitan ng programang ito, magkakaroon ng pangangalap ng datos sa bawat barangay upang mas madali at mabilis matukoy ang mga potensyal na blood donors. Bahagi rin ito ng mas malawak na hakbang na ipatutupad sa lahat ng 45 barangay ng lungsod ng Isabela upang mapatatag ang blood donation network at masigurong may sapat na suplay ng dugo para sa mga nangangailangan.
Ang IBLLA ay isang samahan ng mga babaeng halal na opisyal ng barangay sa lungsod na nagsusulong ng iba’t ibang programang pangkaunlaran, kabilang ang mga inisyatiba sa kalusugan, kabuhayan, at kapakanan ng komunidad.