Bilang bahagi ng Continuous Learning Approach and Skills Support (CLASS) para sa mga Barangay Information Officers ng lungsod, ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa ilalim ng pamumuno ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, sa pamamagitan ng Tanggapan ng Impormasyong Pampubliko (CIO) at sa pakikipag-ugnayan sa Department of Information, Communications and Technology (DICT) – Basilan sa pangunguna ni Direktor Michael Jolo ay nagsagawa ng “Basic Training on Canva Application for Pubmats Production” para sa mga Barangay Information Officers mula ika-26 hanggang ika-27 ng Pebrero.
Sa unang araw ng pagsasanay, 22 Barangay Information Officers ang lumahok bilang bahagi ng unang batch. Sa pagsasanay na ito na ay tinuro ni Information Officer Marion Guerrero ang mga pangunahing teknik sa disenyo, tamang paggamit ng kulay at font, at paglikha ng epektibong pubmats. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng visual communication upang mas malinaw at maayos na maiparating ang mahahalagang impormasyon sa publiko.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni CIO Mendry-Ann Lim ang kahalagahan ng pagsasanay upang mapahusay ang kakayahan ng mga BIOs sa paggamit ng digital tools tulad ng Canva para sa epektibong komunikasyon sa kanilang barangay.
Sa pangkalahatan, layunin ng CLASS na palakasin ang Barangay Information Officers Network sa pagpapalaganap ng dekalidad at makatotohanang impormasyon para sa mas epektibong pamamahala at pagpapaunlad ng kanilang mga barangay. (Sulat ni E. Banding-Hadjala, IsaTV/Kuha ni P. Turabin, CIO)