Sa patuloy na pagroronda ng GoGo (Good Governance) Isabela Training Caravan, umabot na ito sa ika-18 target na sektor kung saan, dinaluhan ng 100 ng mga kalahok mula sa organisasyon ng Black Riders, kabilang ang mga Tricycle Drivers sa lungsod na ginanap sa Pasangen Commercial Complex (PCC), ika-28 ng Enero.
Ang pagsasanay tungo sa mabuting pamamahala ay pinangunahan ng mga aktibong ispikers na sina Maria Wendy Parojinog, Executive Assistant mula sa Claret Samal Foundation Incorporated, at Margarita Auxtero, dating Executive Director mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry- Isabela City.
Ilan sa mga natutunan at naging komento ng mga kalahok ay ang mga sumusunod:
“Ito na siguro ang pinakamagandang seminar na napuntahan ko kase nalaman ko na may transparency na sa budget ng Isabela City. Kase, ito lagi na eencounter ko, ano daw ang ginagawa ng City Government? So ngayon, dapat, bumoto tayo ng mabuting lider para sa magandang kinabukasan ng Isabela City. At sana, maging legal na lahat ng bumibiyahe sa Isabela City.”
“Nalaman namin ngayon ang budget ng Isabela City, at least ngayon, transparent na. Satisfied na kami. Bukas, sana magpalawak pa nang kalsada. Natutunan namin talaga dahil mismo sa barangay, hindi talaga nila binibigay paano ba yang community budget, hindi nila yan binabanggit sa komunidad nila. Ngayon talaga, nagpapasalamat kami sa City Mayor dahil kung ano talagang nangyayari sa lungsod ng Isabela ay nalaman na namin ngayon.”
Gayundin nagpahayag ng mga saloobin patungkol sa mga isyung kinakaharap ang mga tricycle drivers tulad ng:
“Yung ibang tricycle na may MTOP, tamad na silang magbiyahe. Nakatambay lang mga tricycle nila sa bahay. Kaya yung ibang gustong magbiyahe na walang MTOP, nagbibiyahe pa rin. Hindi naman po kami pupwede mag-apply sa City Hall kase overpopulation na raw, hanggang 1,500 lang daw dahil hanggang doon lang ang cut-off para mag-register.”
“Hinihingi namin sa City Hall, kung pupwede sana, kung sino ang nagbebenta ng tricycle at sino ang bumibili, dapat i-transfer ng may-ari sa nagbili para at least, legal na siya. Siya na talaga ang may-ari ng tricycle. Hindi na siya matatawag na colorum.”
Kasama sa nasabing pagsasanay ang aktibo at boluntaryong grupo ng GoGo secretariats na pinangunahan nina Jham-Jham Kalbi, Barbette Jane Baclay, April Winny Baclay, at Qasim Tapsi na kasama ang GoGo documenter nitong si Elvic John Obedencia.
Layunin ng GoGo Isabela Caravan na bigyan ng impormasyon at kaalaman ang mga Isabeleños patungkol sa mabuting pamamahala, kung saan ipinabatid sa kanila kung ano ang dapat na tungkulin at paano pumili ng mabuti at maayos na lider, magkano ang pondo ng lokal na pamahalaan at paano maaaring bantayan ng mga mamamayan ang kaban ng bayan at higit sa lahat kung paano dapat singilin ang mga lider na binoto ng mga Isabeleño tungo sa mabuting pamamahala. (Sulat ni S. Angging, IsaTV/Kuha ni E. Obedencia, GoGo Documenter)


