Binisita ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ang mga mag-aaral ng Special Needs Education (SNED) program ng Isabela East Central Elementary School, ika-6 ng Enero, upang masaksihan ang kanilang aktibong pakikilahok sa isang natatanging programang pangkabuhayan na tinawag na “Verger Bites.” Ang inisyatibong ito ay hindi lamang nagbibigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral upang magkaroon ng karanasan sa simpleng entrepreneurship, kundi ipinapakita rin ang kanilang mga kakayahan at potensyal na maging bahagi ng komunidad.
Pinuri ni Alkalde Turabin-Hataman ang programa at ang pagsusumikap ng paaralan na lumikha ng isang inklusibong kapaligiran kung saan maaaring mapaunlad ng mga mag-aaral na may kapansanan ang mga kasanayang makakatulong sa kanilang kinabukasan.
Sa kanyang pagbisita, nakipag-usap ang alkalde sa mga mag-aaral at guro, kung saan masayang ibinalita ang mainit na pagtanggap ng mga mag-aaral sa konsepto ng “Verger Bites” bilang bahagi ng progrmang SNED ng paaralan. Ayon kay Rex Paul Tagud, isang guro na namamahala sa programa, bukod sa masustansyang merienda ng mga bata na gawa sa gulay na burger patties tuwing recess, masaya at suportado rin ito ng mga magulang ng mga bata.
Ayon sa alkalde, patuloy pa rin ang kanyang administrasyon sa pagbibigay ng serbisyo sa lahat kasama ang sektor ng mga PWDs at pagpapalakas ng mga programang sumusuporta sa mga indibidwal na may espesyal na pangangailangan. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng ganitong mga inisyatiba sa pagbuo ng isang mahabagin at progresibong Lungsod ng Isabela, kung saan ang bawat miyembro ng komunidad ay binibigyan ng pagkakataong umunlad. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)