Pinangunahan ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman at Kinatawan ng Tanging Distrito ng Basilan at Katuwang na Pinuno ng Minorya Mujiv Hataman, ika-6 ng Enero, ang seremonya para sa pamamahagi ng pinansyal na ayuda sa 675 miyembro ng HAPIForce na kumakatawan sa 45 barangay ng lungsod.
Tumanggap ang bawat miyembro ng P6,000 na pondo mula sa Tanggapan ng Punong Lungsod, bilang bahagi ng suporta ng pamahalaang lungsod sa mga inisyatibong naglalayong mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Ang aktibidad ay sinimulan ng programang “GoGo Pasada,” na pinangunahan ng Tanggapan ng Impormasyong Pampubliko sa pamumuno ni CIO Mendry-Ann Lim. Sa programang ito, nagbahagi ang tanggapan ng mahahalagang kaalaman tungkol sa mga prinsipyo ng mabuting pamamahala o “Good Governance.”
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Punong Lungsod Hataman ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng bawat isa sa mga inisyatibang nakatuon sa pagpapalaganap ng kapayapaan, seguridad, at maayos na pamamahala. Pinasalamatan niya ang HAPI Force para sa kanilang walang-sawang serbisyo.
Kinilala ang Lungsod ng Isabela sa 2024 DILG Layag Awards for Excellence in Local Governance kung saan ang HAPI Force ay tinanghal bilang kampeon para sa Best Innovation in Peace and Order Governance.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina Konsehal Bimbo Epping, Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma, at iba’t ibang Punong Barangay na pinangunahan ng pangulo ng Liga ng mga Barangay na si Abral Aburahman at Focal ng POPS/CPOC-CADAC Rix La Guardia. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)