Buong pagmamalaking tinanggap ni Punong Lungsod Sitti Djali Turabin-Hataman, sa ikalawang sunod na taon, ng prestihiyosong Selyo ng Mabuting Lokal na Pamamahala (Seal of Good Local Governance), ika-10 ng Disyembre sa isang seremonya na ginanap sa The Manila Hotel.
Kasama ng alkalde sa pagkilalang ito sina Kinatawan ng Tanging Distrito ng Basilan at Katuwang na Pinuno ng Minorya Mujiv Hataman at DILG Isabela City FOU CLGOO Arnel Alvarez, na nagbigay ng kanilang buong suporta at nakibahagi sa selebrasyon ng tagumpay ng pamahalaang lungsod. Pinangunahan ng nasabing seremonya ni Kalihim Juanito Victor Remulla ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG).
Bukod sa prestihiyosong SGLG marker, nakatanggap din ang Lungsod ng Isabela ng SGLG Incentive Fund na nagkakahalaga ng P2 milyon. Ang pondong ito ay inilaan upang suportahan ang mga estratehikong proyektong pangkaunlaran na naaayon sa Local Development Investment Program (LDIP) ng lungsod at sa mga pambansang prayoridad, na higit pang magpapataas sa antas ng pamumuhay ng mga mamamayan nito.
Mula sa unang pagkilala ng lungsod sa SGLG noong 2023, ang ikalawang sunod na pagkilalang ito ay patunay ng sama-samang pagsisikap ng lokal na pamahalaan, mga kawani nito, at ng mga mamamayan. Ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa pagkakaisa at kolaborasyon, na nagbibigay-daan upang maging huwaran ang lungsod sa mahusay na pamamahala.
Alinsunod sa Batas Republika 11292 o ang Batas SGLG ng 2018, ang mga LGU ay dapat makamit ang mga kundisyon na sumasaklaw sa sampung (10) aspeto ng pamamahala, katulad ng: (1.) pamamahala at seguridad pangpinansyal; (2.) paghahanda sa sakuna; (3.) panlipunang proteksyon at pagiging sensitibo; (4.) pagsunod at pagtugon pangkalusugan; (5.) napapanatiling edukasyon; (6.) pagiging kaakit-akit sa negosyo at pagiging mapagkumpitensya; (7.) kaligtasan, kapayapaan, at kaayusan; (8.) pamamahala sa kapaligiran; (9.) turismo, pagpapaunlad ng pamana, kultura, at sining; at (10.) pag-unlad ng kabataan.
Kasama ni Punong Lungsod Turabin-Hataman sa seremonya ng paggawad ng parangal ang delegasyon ng mga opisyal na sumasalamin sa diwa ng pagkakaisa at sama-samang dedikasyon sa kahusayan sa pamamahala. Ang mga opisyal na ito ay sina Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma, CIO Mendry-Ann Lim, CPDC Gay Palagtiosa, CPMDO/CNAO Jesielyn Puno, CHRMO Rosella Luna, Asst. CHRMO Mojahed Cosain, City Accountant Jaber Tiplani, CCDO Ahmad Tiplani, IP Focal and CSO Desk Officer Norhaiya Macusang, PESO Manager Aradelria Belleng, CHO Dr. Mohrein Ismael VI, LEDIPO Jaime Juanito Rivera, BPLO Albert Porticos, LYDO Levinia Jarejolne at iba pa. Kasama rin ang ilang mga konsehal na sina Ar-Jhemar Ajibon, Bimbo Epping, Karel Annjaiza Sakkalahul, Jeromy Casas, James Abner Rodriguez, Yusop Abubakar at pangulo ng Liga ng mga Barangay Abral Abdurahman. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni KC Galos, CIO)