𝗧𝗢𝗨𝗥𝗜𝗦𝗠 𝗜𝗡𝗙𝗢𝗥𝗠𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡 𝗖𝗘𝗡𝗧𝗘𝗥 𝗦𝗔 𝗙𝗨𝗘𝗚𝗢-𝗙𝗨𝗘𝗚𝗢, 𝗕𝗜𝗡𝗨𝗞𝗦𝗔𝗡 𝗡𝗔 | Pormal nang binuksan ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman katuwang si Kongresista Mujiv Hataman ang Tourism Information Center sa Fuego-Fuego, Tabiawan, ika-3 ng Disyembre. Nagsilbi namang panauhing-pandangal si Pangalawang Kalihim para sa Ugnayang Pang-Mindanao at Pagtataguyod ng Halal ng Kagawaran ng Turismo Myra Paz Valderrosa-Abubakar.
Ang kaganapan ay dinaluhan ng mga lokal na opisyal at iba pang mga stakeholder na nagbigay suporta sa layunin ng proyekto na magtaguyod ng turismo at pagpapakilala sa yaman ng kasaysayan at kultura ng Lungsod ng Isabela. Pangangasiwaan naman ito ng Tanggapan ng Turismo Lokal sa pangunguna ni CTO Claudio Ramos II na kamakailan ay hinirang bilang pinakamagaling na tourism officer ng isang lungsod sa buong Pilipinas.
Sa kanyang mensahe ng pagkilala, nagbigay ng pasasalamat si Konsehal Karel Annjaiza Sakkalahul, tagapangulo ng Komite ng Turismo ng Sangguniang Panlungsod, sa lahat ng mga tumulong sa pagtatayo ng nasabing pasilidad.
Pinangunahan ni Punong Lungsod Turabin-Hataman ang seremonya ng pagbubukas. Ayon sa alkalde, nagsimula ang proyektong ito sa isang pangarap na maipakita ang kagandahan ng Lungsod ng Isabela at Lalawigan ng Basilan. Ibinahagi rin niya ang mga plano para sa hinaharap, kabilang na ang pagtatayo ng isang museo na magtatampok sa kasaysayan ng Basilan.
“Ating ipinagmamalaki ang lugar na ito, ngunit para sa akin, ang Isabela ay isang lugar na tunay na maipagmamayabang sa ibang bayan,” ani ni Usec. Valderrosa-Abubakar. Dagdag pa niya, noong unang beses siyang dumaan sa lugar, ang makikita lamang ay isang pananda, ngunit ngayon ay isang ganap na puntahan na para sa mga turista. Hinikayat niya ang mga Isabeleños na ipagmalaki ang kanilang bayan at magtulungan upang mapaunlad pa ito.
Ang bagong Tourism Information Center ay magsisilbing pangunahing puntahan para sa mga turista, bisita, at mga interesado sa kasaysayan at iba’t ibang tanawin ng Lungsod ng Isabela. Makakabili rin ng mga pampasalubong na mga produkto sa nasabing sentro. Ang proyekto ay may kabuuang halaga na P2,995,633.12 na pinondohan ng 20% Development Fund ng lungsod at layong magbigay ng mas maraming oportunidad para sa mga Isabeleños na isulong ang isla bilang isang destinasyon ng turismo.
Nagtapos ang maikling palatuntunan sa isang pagtatanghal ng Pasangan Cultural Dance Troupe na ikinagalak ng lahat ng mga dumalo.
Ang proyekto ay bahagi ng mas malawak na plano para sa pag-unlad ng turismo sa Lungsod ng Isabela, at isang hakbang na magsisilbing daan para sa pagpapalago ng ekonomiya at pagpapakita ng mga natatagong yaman ng Basilan. (Sulat ni R. Natividad-Sarael/Kuha ni M. Santos, CIO)