Ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela, sa ilalim ng pamumuno ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, ay nagsagawa ng ikalawang Government Open House mula ika-17 hanggang ika-19 ng Setyembre bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-124 na Anibersaryo ng Serbisyo Sibil ng Pilipinas. Inorganisa ito ng Tanggapan ng Pamamahala sa Yamang-Tao o City Human Resource Management Office bilang bahagi ng inisyatiba upang mapalakas ang pagiging bukas o transparency at pakikilahok ng mga mamamayan sa lokal na pamahalaan.
Sa ikatlong araw ng programa, ika-19 ng Setyembre, dinagsa pa rin ang Isabela City Hall ng mga nakatatanda, kabataan, guro, PWDs, at barangay workers na aktibong nakibahagi sa mga aktibidad. Masigla silang nangolekta ng stickers para sa kanilang mga pasaporte na may katumbas na puntos at premyo, na nagbigay ng karagdagang saya at kaalaman sa kanila.
Samantala, ipinakita ni Alkalde Turabin-Hataman ang kanyang buong suporta at pakikiisa sa layunin ng Open House na mas palapitin ang lokal na pamahalaan sa mga mamamayan nito. Masayang nakilahok ang alkalde kung saan ay sinubukan nitong maging weather reporter ng lungsod. Bukod dito, ibinida rin ng CDRRMO ang dekalidad na gusali nito na nagsilbing OPCEN ng lungsod, mga kagamitan sa emergency response, first aid trainings at marami pang iba.
Ang ikalawang Government Open House ay naging daan upang matutunan ng mga dumalo ang tungkol sa mga pinakabagong mga proyekto, programa at serbisyo ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan. Nagbigay ito sa publiko ng mahalagang kaalaman tungkol sa mga proseso ng lokal na pamahalaan, upang mas maunawaan nila ang mga serbisyong ibinibigay at mga patakaran ng gobyerno. (Kuha ni M. Santos, CIO)