Sa ngalan ng inisyatiba ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, na magsulong ng kapakanan ng mga may-kapansanan (PWD) sa Lungsod ng Isabela, pinangunahan ng Tanggapan ng Ugnayan para sa mga May-Kapansanan o City Persons with Disabilities Affairs Office at Tanggapan ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan o City Social Welfare and Development Office ang pag-abot ng tulong pinansyal sa 95 na PWDs, ika-13 ng Setyembre.
Pinangunahan nina CPDAO Gemma Casas-Paculio at CSWDO Nor-Aina Asmara ang nasabing aktibidad kung saan nasa 45 na benepisyaryo ang nakatanggap ng Livelihood Assistance na nagkakahalaga ng P5,000 bawat isa. Ang tulong pinansyal na ito ay ibinigay sa mga indibidwal na may mga umiiral nang negosyo tulad ng mga tindahan at mga nagbebenta ng isda. Bago maipamahagi ang financial assistance, ang mga benepisyaryo ay sumailalim sa financial literacy training upang higit nilang mapakinabangan ang kanilang mga negosyo.
Bukod dito, 50 pang benepisyaryo ang nakatanggap ng P3,500 mula sa 10-day Cash for Work program. Sila ay naka-assign sa kanilang mga barangay upang matutunan ang kahalagahan ng pagtatrabaho at kumita mula sa kanilang ginagampanang mga gawain.
Ang programang ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na tiyakin ang inklusibong pag-unlad at kalinga para sa lahat ng sektor ng lipunan, lalo na ang mga nasa laylayan tulad ng mga PWD. (Sulat ni R. Natividad-Sarael/Kuha ni M. Santos, CIO)