Sabayang nagpulong para sa ikatlong kwarter ng taong kasalukuyan, ika-29 ng Agosto, ang Konseho sa Kapayapaan at Kaayusan ng Lungsod o City Peace and Order Council (CPOC) at Konseho Kontra sa Pag-abuso ng Droga ng Lungsod o City Anti-Drug Abuse Council (CADAC), na parahong pinamumunuan ni Alkalde Sitti Djalia Turabin-Hataman.
Unang nagbigay si 2LT Jayson Abayari, Opisyal para sa Operasyong Sibil-Militar ng Ika-19 na Kumpanya ng Pwersa Espesyal, Ikaapat na Batalyon ng Pwersa Espesyal ng Hukbong Katihan ng Pilipinas (19th SFC, 4th SF Bn, PA) ng komprehensibong ulat tungkol sa kalagayan ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod. Ang kanyang ulat ay nagbigay-diin sa mga patuloy na pagsisikap sa mga kampanya laban sa kriminalidad at terorismo. Sinusugan naman ito ni COL Adolf Ian Garceron, Komandante ng 4th SF Bn, PA, na nagpahayag ng napipintong pagdeklara sa Lungsod ng Isabela ngayong Setyembre, bilang ASG-Free o malaya na sa banta ng teroristang grupo na Abu Sayyaf.
Sinundan ito ng paglalahad ni PEMS Muzzadeigh Haman mula sa Himpilan ng Pulisya sa Lungsod ng Isabela (PNP ICPS) ng mga update tungkol sa pagpapatupad ng mga inisyatiba sa batas at kaayusan. Ito naman ay sinigundahan ni PLTCOL Parson Asadil, Hepe ng PNP ICPS, na nagbigay ng pinakahuling impormasyon ukol sa mga insidente ng pamamaril sa mga nakalipas na linggo. Hinimok din ng dalawang opisyal ang pamahalaang lokal na magpasa ng mga ordinansa na magbabawal sa paninigarilyo at vaping sa mga pampublikong lugar, pagta-topless ng mga kalalakihan sa pampublikong lugar, paninira ng ari-arian o bandalismo, at ang curfew para sa mga menor de edad. Sinang-ayunan naman ng CPOC ang panukalang paglalagay ng hotline ng kapulisan sa Mayor’s o Business Permit ng mga negosyo.
Samantala, sa kaniyang naging pagtalakay ay hiniling ni SFO4 Bernard Cabahug, Kahalili na Hepe ng Himpilan ng Bumbero sa Lungsod (BFP Isabela City Fire Station) na magpasa ng isang resolusyon ang CPOC na humihiling sa BASELCO na suriin ang mga nakalawlaw na linya at mga nakatabinging poste ng kuryente sa mga barangay at gawan ng paraan na ito ay ayusin upang makaiwas sa sunog at disgrasya. Sa kabilang banda, si JO2 Ryan Jay Dagohoy mula sa Piitan ng Lungsod (BJMP Isabela City Jail) ay nagbahagi ng sitwasyon ng mga PDLs sa nasabing gusali.
Kasama rin sa pinag-usapan ang update sa Barangay Drug Clearing Program na inihatid ni IA Sharon Ominga na pinuno ng tanggapan ng Ahensiya ng Pilipinas sa Pagpapatupad ng Batas Laban sa Bawal na Gamot o Philippine Drug Enforcement Agency sa Lungsod ng Isabela. Sinundan ito ng ulat ni CHO RMT Crizan Mijares tungkol sa Community Drug Rehabilitation Program. Ang mga inisyatibong ito, na naglalayong puksain ang mga isyu na may kaugnayan sa droga sa antas ng pamayanan, ay sumasalamin sa holistikong pamamaraan ng CADAC sa pagsasaalang-alang sa kapakanan ng komunidad.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, pinangunahan ni Alkalde Turabin-Hataman ang panunumpa ng mga miyembro ng City Task Force to End Local Armed Conflict.
Sa buong pagpupulong, si Alkalde Turabin-Hataman ay sinamahan ni Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma kasa si Rix La Guardia, Katuwang na Kalihim ng CPOC-CADAC. Naroon din si Tagausig ng Lungsod (City Prosecutor) Atty. Cesar Bawasanta at LGOO VI Jaber Jamani mula sa DILG ICFOU.
Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa PDEA Isabela City, PNP-ICPS, BFP-ICFS, 4SF Bn, PA, 53rd SAC, 5SAB, PNP-SAF, PNP-EOD & Canine Unit Isabela City, BJMP-ICJ, DILG ICFOU, PCG Station Isabela, DepEd SDO-Isabela City, DSWD ICFO, Parole and Probation Administration-Isabela City, DOLE ICFO, PIA Basilan Infocenter, PPA TMO Isabela, Basilan Ulama Supreme Council sa pamumuno ni Dr. Aboulkair Tarason, at UECI na pinangunahan ni Ptr. Ronald Paulino na siya ring pangulo ng Isabela City People’s Council. Mula sa Pamahalaang Lungsod ng Isabela ay dumalo si Merewyn Sadjail, EnP, CBO Haiat Aira Taguranao at iba pa. (Sulat ni M. Guerrero/Kuha ni M. Santos, CIO)