Dalawang kapana-panabik na laro ng women’s volleyball ang naganap sa BLISS Covered Court, ika-28 ng Agosto, bilang bahagi isinasagawang palaro ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela para sa nalalapit na selebrasyon ng Buwan ng Serbisyo Sibil ngayong Setyembre.
Sa unang laro, nagtunggali ang Klaster A (CGSO) at Klaster D (OCM, CAcO). Matindi ang labanan, ngunit nanaig ang Klaster D na may kabuuang 50 puntos. Ang Klaster A ay nakapagtala ng 37 puntos, kung saan 21 puntos ang kanilang naipon sa unang set at 16 puntos sa ikalawang set. Samantala, ang Klaster D ay nagpakitang-gilas at nakakuha ng 25 puntos sa bawat set, na nagbigay sa kanila ng malinaw na kalamangan at tagumpay sa laban.
Sa ikalawang laro, nagharap ang Klaster B (CAsO, CIO, CPDO, CCRO) at Klaster C (CAgO, CTO, CTrO, CLO). Muling naging dominante ang Klaster B, na nagpakita ng mahusay na diskarte at lakas, na nagresulta sa kabuuang 50 puntos—25 puntos sa bawat set. Sa kabilang banda, ang Klaster C ay nagbigay ng matinding hamon ngunit nakapagtala lamang ng kabuuang 26 puntos—10 puntos sa unang set at 16 puntos sa ikalawang set.
Ang palarong ito ay handog ng Tanggapan ng Pamamahala ng Yamang-Tao (CHRMO) alinsunod sa kautusan ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman na magdaos ng mga aktibidad na magbibigay-daan sa pagpapamalas ng angking husay at talento ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela at mapagbuklod-buklod ang lahat sa ngalan ng pakikisama at pakikipagkapwa. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni KC Galos, IsaTV)