Ang Ikaapat na Batalyon ng Pwersang Espesyal ng Hukbong Katihan ng Pilipinas o 4th Special Forces Battalion ng Philippine Army sa pangunguna ni LTC Adolf Ian Garceron INF (GSC) PA, sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa ilalim ng pamumuno ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, ay nag-organisa ng isang Color Fun Run bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Mga Bayani, ika-26 ng Agosto sa Barangay Cabunbata.
Nataon din ang Color Fun Run sa pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan ngayong taon.
Personal na dinaluhan at nakiisa si Punong Lungsod Turabin-Hataman upang ipakita ang kanyang taos-pusong suporta sa naturang kaganapan. Kasama niyang dumalo si Basilan Board Menber Ahmed Ibn Djaliv Hataman ng Unang Distrito ng Basilan.
Mahigit 100 kabataan ang lumahok sa nasabing Fun Run. Layunin ng Fun Run na ito na parangalan ang ating mga bayani at palakasin ang ugnayan sa iba’t ibang ahensya at sa mga mamamayan ng Lalawigan ng Basilan. Nagdulot ito ng positibong epekto sa mga kabataan, nagbigay ng pagkakataon upang sila ay magkaroon ng kamalayan sa kahalagahan ng kabayanihan, at nagpalakas ng kanilang diwa ng pakikipagkapwa-tao at pagtutulungan. (Sulat ni KJ Lim, IsaTV/Inambag na Mga Larawan)