Naganap ang pampublikong pagdinig na pinangunahan ng Komite sa mga Alituntunin, Resolusyon, at Ordinansa ng Sangguniang Panlungsod sa pumumuno ni Konsehal James Abner Rodriguez, ika 27 ng Agosto, upang pag-usapan ang “Proposed Schedule of Market Value of Real Property Tax” ng lungsod para sa taong ito.
Sa ngalan ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin Hataman, iniulat ni Tagasuri ng Lungsod (City Assessor) Vido Yu at ng kanyang mga tauhan ang kasalukuyang estado ng Schedule of Market Values at ang pangkalahatang pagsusuri ng mga ari-arian. Ayon sa ulat, ang pinakahuling pagbago sa Schedule of Market Values at ang General Revision of Real Property ay ginawa pa noong 2007, na higit sa 16 taon na ang nakalipas. Dahil dito, ang mga kasalukuyang halaga ay hindi na tumutugma sa kasalukuyang kalagayan.
Tinalakay nila ang pangangailangang magsagawa ng pangkalahatang pagsusuri na alinsunod sa mga direktiba mula sa mga pambansang ahensya tulad ng Kawanihan sa Pananalapi ng Pamahalaang Lokal (Bureau of Local Government Finance), Komisyon sa Pag-Awdit (COA), at Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG). Ang mga ahensyang ito ay naglabas ng mga kautusan na nag-aatas sa Pamahalaang Lungsod ng Isabela, partikular ang Tanggapan ng Tagasuri ng Lungsod, na agarang baguhin ang Schedule of Market Values at magsagawa ng pangkalahatang pagsusuri ng mga ari-arian.
Naroon sa pagdining si Bise Alkade Jhul Kifli Salliman, at mga konsehal na sina Candu Muarip, Yusop Abubakar, Bimbo Epping, Mary May Julhari at Karel Annjaiza Sakkalahul. Dumalo rin ang ilang punong baranggay at mga inanyayahang kinatawan ng mga sektor na apektado ng ordinansa. (Sulat ni R. Natividad-Sarae/Kuha ni A. Sali, CIO)