Humigit-kumulang na 150 na mga buntis mula sa iba’t ibang barangay sa Malamawi ang dumalo sa pangalawang ronda ng Family Planning Caravan na isinagawa ng Tanggapan ng Pamamahala at Pagpapaunlad Pampopulasyon (City Population Management and Development Office), Tanggapan ng Ugnayang Pangnutrisyon (City Nutrition Affairs Office), kasama ang Tanggapan ng Kalusugan (City Health Office). Ginanap ito sa Multipurpose Hall ng Sta. Barbara, ika-28 ng Agosto.
Sa ilalim ng temang, “Panalo ang Pamilyang Planado! Tara, Usap Tayo sa Family Planning”, naglalayong bigyan ng sapat na kaalaman ng caravan ang mga kababaihan tungkol sa usaping Family Planning at ibahagi ang mga pamamaraan na siyang dapat gawin upang makontrol ng mga kalahok na bisita ang tamang agwat ng taon sa pagbubuntis.
Masayang binati ni CPMDO/CNAO Jesielyn Puno ang mga kababaihan sa kanilang pagdalo sa nasabing caravan at inabot ang pasasalamat nito sa paglaan ng kanilang oras upang malaman ang layunin ng programa na siyang punto nito ay para sa ikakabuti ng kanilang kalagayan.
Sumunod dito ang pamamahagi ng mahalagang impormasyon ukol sa mabuting pamamahala sa pamamagitan ng Pasada GoGo Isabela na pinangunahan ng Tagapamahala ng Pampublikong Impormasyon (City Information Office). Sa ika-limang ronda nito, hinihikayat ang mga kalahok na makialam at makibahagi upang makamit ang mabuting pamamahala para sa lungsod.
Iniabot din ni Tony Tumalon, City Lead Technical mula sa Zuellig Family Foundation ang suporta ng kanilang ahensiya sa programang ipinapalaganap para sa mga kababaihan at binigyang-diin nito na dapat laging inuuna at bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga residenteng buntis.
Sa patuloy na pagtalakay ng usaping Family Planning, tinipon ang mga kababaihan sa pamamagitan ng hiwa-hiwalay na sesyon kung saan may mga nakaatas na mga tagapagsalita mula sa mga medikal na pampublikong ahensiya ang siyang naging gabay, nagbigay ng maliwanag na talakayin, at mga aktibidad na akma sa layunin ng Family Planning Caravan. (Sulat ni S. Angging, IsaTV/Kuha ni KC Galos, CIO)