Nakiisa si Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman sa isinagawang taunang Pulong-Pagpaplano ng Peace and Order and Public Safety Plan-Local Anti-Drug Plan of Action Technical Working Group (POPS-LADPA TWG) ng Lungsod ng Isabela na ginanap mula Agosto 27-28.
Sa nasabing pulong, binigyang-diin ni Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma na hindi makakamtan ang kasalukuyang pag-unlad ng lungsod kung wala ang kapayapaan at kaayusan. Pinahayag niya na sa pamamagitan ng tamang mga estratehiya at programa, kinakailangan maging maagap ang lahat upang makamit ang mga layunin at labanan ang mga hamon na kinakaharap ng lungsod.
Inilahad naman ni Katuwang na Kalihim ng CPOC-CADAC Rix La Guardia ang POPS Plan Accomplishment Report para sa 2023 at ang unang semestre ng 2024. Samantala, nagbigay din ng ulat ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang POPS Champion tungkol sa kanilang mga natamong tagumpay sa pagtugon sa pitong pangunahing isyu na nakasaad sa POPS Plan 2023-2025. Kabilang dito ang mataas na bilang ng mga kaso ng pagpatay, pagnanakaw, panggagahasa, at pisikal na pananakit; ang masikip at lumang pasilidad ng kulungan; ang 73.3 porsyento ng mga barangay na apektado ng droga; ang mga insidente ng terorismo, ilegal na pagtotroso at mga insidenteng pandagat; ang mga hamon sa pagpapatakbo ng CPOC, KP-LT, at BPOC; at ang mga insidente ng aksidente sa kalsada, trapiko, at sunog.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag si Alkalde Turabin-Hataman ng taos-pusong pasasalamat sa kanilang patuloy na pagtutok at pakikilahok sa mga usapin ng pampublikong kaligtasan at seguridad. Binigyang-diin niya na sa mga isyung ito, ang TWG ang pangunahing kinukunan ng opinyon at impormasyon ng pamahalaang lungsod. Dagdag pa ng alkalde, ang nasabing pagpupulong ay isang mahalagang pagkakataon para sa grupo na magmungkahi ng mga pagbabago sa kanilang mga plano o magtakda ng mga bagong prayoridad na dapat bigyang-pansin. Sinabi rin niya na kung may mga nais gawin o baguhin, ito na ang tamang panahon upang isama ang mga ito sa opisyal na mga plano, upang maiwasan ang pangangailangan na muling ihanay ang mga pagkukunan sa hinaharap.
Kabilang sa mga dumalo ang mga kinatawan mula sa DILG ICFOU, 53rd SAC SAF, PNP-ICPS, BJMP-ICJ, 4SFBn, PA, 19SFC, EOD/K9 Unit, PDEA, PCG-Isabela Station, DENR-ICCENRO, Prelatura ng Isabela de Basilan, Pastor Ronald Paulino ng UECI/Shalom, Ustadz Aboulkhair Tarason ng Konseho Suprema ng mga Ulama sa Basilan, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)