Naganap ang ikalawang bugso ng pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa halos 2,000 na mga benepisyaryo mula sa anim na barangay sa Lungsod ng Isabela, ika-25 ng Agosto. Naging bahagi naman ng aktibidad ang Pasada GoGo Isabela na naglalayong maghatid ng impormasyon ukol sa mabuting pamamahala.
Malugod na binigyang pambungad ni Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma, ang payout kung saan ipinahatid niya ang kagalakan para sa lahat ng mga benepisyaryong maaayudahan mula Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan o DSWD sa inisyatibo ni Kongresista Mujiv Hataman.
Inilahad ni Aisyl Sagoso-Atal, SWO II/SWADT Leader mula sa DSWD, na ang AICS payout ay isa sa mga programa ng kanilang ahensiya na may suporta mula sa opisina ng kongresista, na kasama ang CSWDO na naglalayong magbigay ng isang libong piso sa bawat residente na nakaranas ng krisis sa pang-araw- araw nilang pamumuhay. Sa ayudang ito, inaasahan nilang pantay-pantay na naibibigay ang tulong para sa lahat ng mga residenteng nangangailangan.
Samantala, nakiisa sa programa ang Pasada GoGo Isabela na pinangunahan ng Tanggapan ng Impormasyong Pampubliko o City Information Office kung saan naghatid ito ng maikling kaalaman at mahahalagang impormasyon ukol sa usaping ‘Good Governance’ o mabuting pamamahala. Binigyan din nila ng pagkakataon ang mga dumalo kung ano ang maaari nilang gawin at maibahagi upang makamit ang daan tungo sa mabuting pamamahala.
Bago ibinahagi sa mga residente ang ayuda, nagbigay ng maikling mensahe si Kongresista Hataman na ipinaabot ni Konsehal Bimbo Epping na ang AICS payout ay matatanggap ng bawat isa at sisikapin nitong humanap pa ng karagdagang pondo upang matugunan at mabigyan ang lahat ng nangangailangan.
Dumalo rin sa AICS payout program sina CSWDO Nor-Aina Asmara, CCO Ahmad Tiplani, Konsehal Jeromy Casas at Konsehal Yusop Abubakar. (Sulat ni S. Angging/Kuha ni KJ Evardo, IsaTV)