Sa pagbubukas ng programang Family Planning Caravan na isinagawa ng Tagapamahala ng Kalusugan at Tagapamahala ng Pagpapaunlad ng Populasyon, dumayo ang Pasada GoGo Isabela Caravan sa ikalawa nitong ronda kung saan nakiisa ang humigit-kumulang na 150 na mga partisipante mula sa iba’t-ibang komunidad, ika-15 ng Agosto.
Binigyang pambungad ni Sara Angging, manunulat mula sa Tanggapan ng Impormasyon ang kahulugan at layunin ng Good Governance Caravan o Mabuting Pamamahala sa lungsod kasama ang tungkulin at papel ng mga mamamayan sa kung ano ang dapat nilang gawin upang maisakatuparan ang minimithing pag-unlad at pagbabago.
Sinundan ito ng pagpapakita ng GoGo Isabela Caravan video upang mas lalong maintindihan ng mga lumahok na bisita ang buong konsepto at pamamamaraan na siyang dapat gawin upang makamit ang daan tungo sa mabuting pamamahala.
Kasunod nito, ibinahagi ng mga kalahok ang natutunan sa birtwal na diskusyon tungkol sa mabuting pamamahala at nagkaroon umano sila ng kaalaman sa mga paksang tinalakay lalo na sa usaping pondo ng gobyerno. Kinumpara nito na malaki ang pagbabagong nangyayari sa kasalukuyan na siyang nagpapakita na tunay ngang may mabuting pamamahala sa lungsod.
Dagdag nito, ibinahagi din ng mga kalahok na bisita na makakamit ang pag-unlad at pagbabago sa lungsod kung ang pipiliing lider na mamumuno ay siyang maaasahan at handang makinig sa pangangailangan ng kanyang nasasakupan. Nanawagan din ito na sana ay ipagpatuloy lamang ang mga proyekto at programa na siyang ikakagaganda ng lungsod. (Sulat ni S. Angging at Kuha ni M. Santos)