Matindi man ang buhos ng ulan ay hindi nagpapigil ang Good Governance o GoGo Isabela Caravan, dahil umabot pa rin ito sa Barangay Lumbang, kung saan dinaluhan ito ng mahigit na 100 na mga residente, ika-13 ng Agosto.
Sumabak muli sa kanilang pangalawang sesyon sina Miriam “Deddette” Suacito, Executive Director, at Paulo Rick Lataba, Project Coordinator mula sa Nagdilaab Foundation Inc. na maghatid ng kaalaman sa bawat residente kung ano ba ang ibig sabihin ng Good Governance Caravan at ano ang nais nitong iparating sa kanilang komunidad.
Bilang kilalang miyembro ng Civil Society Organization hindi lang sa Lungsod ng Isabela, kundi maging sa buong lalawigan ng Basilan ay ipinaalala sa mga tao na ang tunay na kapangyarihan sa pamamahala ay nakasalalay sa aktibong pakikilahok at partisipasyon ng mga mamamayan nito sa mga usapin ng gobyerno.
Binigyang-linaw ni GoGo ispiker Suacito ang tatlong sangay ng pamahalaan at ipinaliwanag ang bawat tungkulin at responsibilidad nito. Ipinaalam din nito sa bawat isa na karapatan nilang mamili kung sino ang ninanais nilang mamuno na tiyak na sasagot sa mga panawagan at kanilang mga pangangailangan.
Bukod pa rito, inilahad din ni Suacito na kung magkakaisa ang bawat mamamayan sa pagpili ng maaasahang lider ay makakamit ang hangarin tungo sa mabuting pamamahala kasama ang 9-Point Priority Agenda para sa lungsod. Aniya, magmumula ang pagbabago sa kamay mismo ng mamamayan at mas dadami pa ang magagandang oportunidad na maibibigay kung ang lungsod ay nasa kamay ng maaasahang pinuno.
Tinalakay naman ni GoGo ispiker Lataba ang usapin ukol sa badyet ng gobyerno at isiniwalat na tungkulin ng lokal na pamahalaan na ipaalam sa mamamayan ang klaro at detalyadong distribusyon ng pondo sa mga pangunahing proyekto at programa para sa lungsod. Hinikayat din nito ang mga residente na maaari nilang malaman at itanong sa mga lokal na opisyal kung saan napupunta ang mga binabayarang buwis upang sila’y maliwanagan sa konsepto ng ‘maling akala’.
Dagdag nito, nilinaw din ni Lataba na matatanggap ang mga dekalidad na serbisyo mula sa gobyerno kung maingat ang lider sa pag hawak ng pondo na nakalaan sa mga programa at proyekto para sa lungsod.
Sa pagtatapos ng sesyon, ipinaabot ng mga lumahok na residente ang pasasalamat sa bumubuo ng GoGo Isabela Caravan, ibinahagi ang kanilang mga natutunan, at isiniwalat ang pagbabago na nais nilang mangyari hindi lamang sa kanilang komunidad, pati sa buong Lungsod ng Isabela.
Ang nasabing ronda ng GoGo Isabela Caravan ay naging posible dahil sa suporta ng pamunuan ni Punong Barangay Hayma Omar at mga kagawad mula sa Barangay Lumbang. Nagtungo rin sa nasabing barangay ang iba pang miyembro ng GoGo Isabela Caravan team na sina Barbette Jane Baclay, April Winny Baclay, Jham-Jham Kalbi, at Caezar Ripa na kasama ang documenter nilang si Marha Adilon.
Ang GoGo Isabela Caravan ay bahagi ng inisyatiba ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman na naglalayong palakasin ang pagiging bukas sa pamamahala sa Lungsod ng Isabela. Layunin nitong magbigay ng oportunidad sa mga miyembro ng komunidad na makilahok at maunawaan ang mga proseso at programa ng pamahalaang lokal. (Sulat ni S. Angging/Kuha ni K. Evardo, IsaTV)