Nagsilbi bilang isa sa mga panauhing pandangal si Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman sa ginanap na pasinaya ng kauna-unahang Islamic Banking Unit ng Maybank Philippines, ika-14 ng Agosto sa Maybank Zamboanga Branch, Lungsod ng Zamboanga.
Kinilala ng pamunuan ng Maybank Philippines at ni Amabahador ng Malaysian sa Pilipinas, Dato Abdul Malik Melvin Castelino si Alkalde Turabin-Hataman at ang kanyang naging mahalagang kontribusyon bilang pangunahing may-akda ng BR 11439 o “An Act Providing for the Regulation and Organization of Islamic Banks.”
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Ambahador Castelino na naging posible ang pagbubukas ng Islamic Banking Unit dahil na rin sa mapangarapin na pamumuno ni Alkalde Turabin-Hataman noong isinulong nito ang nasabing batas sa Kongreso.
Matatandaang isa sa mga unang naging proyekto ni Alkalde Turabin-Hataman ay ang paglunsad ng Islamic Microfinance Livelihood Assistance Program, kasabay ang HAPISABIDA small grants, at ang HAPIsabela Zero-Interest Microfinance Livelihood Assistance Program na mula 2019 hanggang taong kasalukuyan ay may nasa 1,036 na ang nakinabang sa mga programang pamumuhunan na ito.
Nagbukas ang Maybank ng Islamic Banking window upang magbigay ng mga serbisyo at pasilidad na sumusunod sa Shariah bilang alternatibong oportunidad sa pagbabangko, partikular sa mga lugar kung saan hindi pa magagamit ang ganitong serbisyo.
Dumalo rin sa inagurasyon si Pangulong Abigail Tina del Rosario ng Maybank Philippines, Pangalawang Punong Ehekutibo ng Maybank Islamic na si Nor Shahrizan Sulaiman kasama ang Direktor ng Lupon na si Simoun Ung, Chief Compliance Officer na si Bernadette Ratcliffe, Chief Risk Officer na si Rajagopal Ramasamy, at Tagapangulo ng Serbisyong Pinansyal ng Komunidad na si Patrick Dennis Solosa, Financial Supervision Sub-sector 1 Managing Director na si Judith Sungsai, Pangalawang Direktor ng Grupo ng Sektor ng Islamic Banking na si Atty. Noel Tianela mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas, Pangrehiyong Direktor ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya IX na si Engr. Al-Zamir Lipae at BARMM MP Atty. Laisa Masuhud-Alamia. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)