Sa pamumuno ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, muling ipinakita ng Lungsod ng Isabela ang kahusayan at dedikasyon sa serbisyong pampubliko sa pamamagitan ng pagtanggap ng Seal of e-BOSS Compliance mula sa Anti-Red Tape Authority (ARTA), ika-16 ng Agosto.
Mismong si Direktor Heneral ng ARTA, Kalihim Ernesto Perez ang nag-abot ng nasabing parangal, kasabay ng kanyang pagkilala sa matagumpay na pagsunod ng Lungsod ng Isabela sa lahat ng sistema at proseso para sa e-BOSS. Inihayag din ni Kalihim Perez na ang lungsod ay pang-51 sa 1,648 sa mga lungsod at bayan sa buong bansa na nabigyan ng pagkilala.
Sinamahan naman si Kalihim Perez nina Atty. John Raphael Nadonza, SI II Sitti Misra-Rufisa Hussin at CAO Mayer Delgado mula ARTA Western Mindanao.
Naroon din para saksihan ang pagkilala sina Kongresista Mujiv Hataman ng Tanging Distrito ng Basilan, Bokal Ahmed Ibn Djaliv Hataman ng Unang Distrito ng Basilan, Hepe ng BPLO Albert Porticos at Hepe ng LEDIPO Jaime Juanito Rivera.
Ang ganitong uri ng pagkilala ay nagbibigay-din ng kaginhawaan sa mga may-negosyo at nagnanais mag-negosyo; binabawasan nito ang korapsyon at sinisigurong mabilis makukuha ng aplikante ang kaniyang business permit.
Ang mga inisyatiba ni Punong Lungsod Turabin-Hataman, kasama ang kanyang mga kasamahan sa lokal na pamahalaan, ay nagresulta sa isang makabuluhang pagbabago sa kultura ng serbisyong pampubliko sa Lungsod ng Isabela. Sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga makabagong pamamaraan at teknolohiya, ang pamahalaang lokal ay patuloy na naghahatid ng mataas na antas ng serbisyo na nakatuon sa kaginhawaan at kasiyahan ng publiko. Ito ay isang hakbang tungo sa isang mas inklusibo at progresibong komunidad na nakatuon sa patuloy na pagpapabuti at pagbabago. (Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)