Ang Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Isabela, sa ilalim ng pamumuno ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, sa pamamagitan ng Tanggapan ng Kalusugan at Tanggapan ng Pamamahala at Pagpapaunlad ng Populasyon, ay nagsagawa ng Family Planning Caravan, Agosto 15, sa West Terminal, Aguada Barangay, bilang bahagi ng pakikiisa sa Family Planning Month na may temang, “Panalo ang Pamilyang Planado! Tara, Usap Tayo sa Family Planning!”
Layunin ng programang ito na magbigay ng mahalagang impormasyon at serbisyo ukol sa family planning, at makapagbigay suporta sa mga dumalong buntis. Sa kabuuan, humigit-kumulang 150 buntis ang dumalo sa nasabing kaganapan.
Sinimulan ang programa ng isang sesyon ng GoGo Pasada, isang maikling bersyon ng Good Governance Isabela Caravan. Ang pagpapaliwanag ay inilahad ni Sara Angging mula sa Tanggapan ng Impormasyon, na nagbigay ng kabatiran sa mga dumalo tungkol sa kahalagahan ng pagsulong ng mabuting pamamahala, kung saan ipinaliwanag na tungkulin ng bawat Isabeleño na piliin ang mga lider na may pananagutan at mapagkakatiwalaan na gagastusin ang pondo ng pamahalaan para sa mga programa at serbisyo ayon sa batas.
Ibinahagi naman ni Direktor Panrehiyon Jeff Fuentes ng Komisyon sa Populasyon at Kaunlaran IX ang kahalagahan ng programa sa pagtaguyod ng mas mahusay na family planning. Binigyang-diin niya na ang mga ganitong inisyatiba ay mahalaga hindi lamang para sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga pamilya, kundi pati na rin sa pangkalahatang pag-unlad ng komunidad.
Sa kanyang mensahe, binati ni Alkalde Turabin-Hataman ang mga dumalo at inilahad ang layunin ng Good Governance Isabela Caravab. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagiging mulat at may kaalaman ng mga mamamayan upang mapanatili ang integridad ng pamahalaan at maiwasan ang pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan. Bukod dito, bilang tagapagsulong ng reproductive health, ipinahayag niya ang kanyang dedikasyon na magbigay ng suporta at tulong sa family planning ng mga Isabeleño sa pamamagitan ng kanyang mga programa.
Kasama sa mga dumalo sa programa sina PPO Lourdes Francisco ng Pamahalaang Lungsod ng Zamboanga, PPW Leahlyn Alita ng Pamahalaang Panlalawigan ng Zamboanga Sibugay, PPO Maricel Carreon ng Pamahalaang Lungsod ng Dapitan, at PPO Rochene Marie ng Pamahalaang Lungsod ng Dipolog. Naroon din sina CPMD/CNAO Jesielyn Puno, PEO Heidi Berdin, PPO Cecil Abuy, Tony Jumalon ng ZFF-TCI, RHU 1 – East Rural Health Physician Dr. Rhufaida Aunal, at RHU North-Rural Health Physician Dr. Nujum Datu Indal. (Sulat ni E. Banding-Hadjala/Kuha ni M. Santos, CIO)