Sa ika-pitong pag-ikot ng Good Governance o GoGo Isabela Caravan, umabot na ito sa Barangay Small Kapatagan, ika-10 ng Agosto, kung saan may mahigit na 100 na mga residente ng komunidad ang aktibong nakiisa sa programa tungo sa mabuting pamamahala.
Pinangunahan ito nina Miriam “Deddette” Suacito, Executive Director, at Paulo Rick Lataba, Project Coordinator mula sa Nagdilaab Foundation Inc., ang kahalagahan na ipagbigay-alam sa bawat residente ang kahulugan at pangunahing hangarin ng programang GoGo Caravan sa kanilang komunidad.
Bilang kilalang miyembro ng Civil Society Organization hindi lang sa Lungsod ng Isabela, kundi maging sa buong lalawigan ng Basilan ay ipinaalala sa mga tao na ang tunay na kapangyarihan sa pamamahala ay nakasalalay sa aktibong pakikilahok at partisipasyon ng mga mamamayan nito sa mga usapin ng gobyerno.
Sinimulang talakayin ni GOGO speaker Suacito ang tatlong sangay ng pamahalaang gobyerno at inisa isa ang tungkulin, gampanin, at responsibilidad ng mga nakaupong opisyal sa loob ng lokal na pamahalaan. Nilinaw din nito na ang partisipasyon ng bawat isa ay siyang patunay na may mahalagang kontribusyon itong maibibigay upang unti-unting maisakatuparan ang 9-Point Priority Agenda na naglalayong magkaroon ng pag-unlad at pagbabagong nais mangyari sa Lungsod ng Isabela. Aniya, kung nais makamit ang klaro at dekalidad na serbisyo ay dapat piliin ang tama at maaasahang mamumuno.
Ipinagpatuloy naman ni Lataba ang usapin ukol sa badyet ng gobyerno at isiniwalat na tungkulin ng lokal na pamahalaan na ipaalam sa mamamayan ang klaro at detalyadong distribusyon ng pondo sa mga pangunahing proyekto at programa para sa lungsod. Aniya, ang mga binabayarang buwis ay siyang mga natatanggap na serbisyo mula sa lokal na pamahalaan na pumupuna at nakakatulong sa pangangailangan ng bawat isa. Dagdag pa ni Lataba na sa pagpili ng isang lider ay siyang dapat may alam sa pagdala at pagbadyet ng pondo na naaayon sa pangangailangan ng lungsod.
Sa huling bahagi ng programa, binahagi ng mga lumahok na residente ang natutunan sa programang GoGo Caravan at nanawagan na ipagpatuloy ang magagandang pagbabago hindi lamang sa kanilang komunidad, kundi pati na rin sa Lungsod ng Isabela.
Ang nasabing ronda ng GoGo Isabela ay naging posible dahil sa suporta ng pamunuan ng Barangay Small Kapatagan sa pangunguna ni Punong Barangay Maricel Sanson kasama ang iba pang mga kagawad at opisyal gaya nina SK Chairperson Maymana Asta at BIO Janice Delos Santos. Nagpapasalamat rin ang LGU-Isabela City sa GOGO Team volunteers na nagtungo sa nasabing barangay na kinabibilangan nina Floramay Lim, Diola Balambao, John Kenno Orosco at Danica Rodriguez Banua at documenter nito na si Irene Sanoy – Reyes. Ang GO GO team ay sinamahan naman ng mga CIO staff na sina Sara Angging, Jannica Quicho at Aldrin Taghap.
Ang GoGo Isabela Caravan ay bahagi ng inisyatiba ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman na naglalayong palakasin ang pagiging bukas sa pamamahala sa Lungsod ng Isabela. Layunin nitong magbigay ng oportunidad sa mga miyembro ng komunidad na makilahok at maunawaan ang mga proseso at programa ng pamahalaang lokal. (Sulat ni S. Angging)