Bilang bahagi ng selebrasyon ng Linggo ng Kabataan, ipinagpatuloy ng Tanggapan ng Lokal na Kalinangang Pangkabataan (LYDO) ang isang HAPIsabela Learning Session kung saan nakasama ang Pasada GoGo Isabela Team. Dinaluhan ito ng humigit-kumulang na 50 na mga kalahok mula sa iba’t ibang distrito ng Lungsod ng Isabela, ika-17 ng Agosto sa Sentro ng Kalinangang Pangkabataan.
Ilan sa mga kasama sa naimbitahan bilang ispiker sina Pangulo ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan Naila Belleng, Jasmin Teodoro ng Pinay Kilos, Tony Tumalon ng ZFF-TCI at LYDO Leviña Jarejolne.
Sinimulang ilahad ni Sara Angging, GoGo Pasada Team Focal ng Tanggapan ng Impormasyong Pampubliko, ang panimulang paksang tatalakayin na kung saan ipinakilala nito ang kahulugan at layunin ng ‘good governance’ sa lungsod. Nabanggit din nito ang tungkulin at karapatan ng mga kabataan sa kung ano ang magagawa nila upang makamit ang daan tungo sa mabuting pamamahala.
Matapos mapanood ang GoGo video, ibinahagi ng mga kabataan ang natutunan, naunawaan, at nais nitong iparating sa mga nakaupong lokal na opisyal sa pamahalaang lungsod.
Si Sheriff Tahajid, isa sa mga kalahok, ay nagbahagi ng kanyang natutunan sa napanood na GoGo video. Ayon kay Tahajaid, nalaman niya ang tungkulin at ginagawa ng mga nabanggit na opisyal, ano ang ibig sabihin ng ‘special appropriation’s act,’ at sa anong proyekto o programa napupunta ang pondo ng gobyerno at ang binabayarang buwis.
Dagdag nito, nauunawaan niya na ang kongresista mismo ang naghahanap ng badyet upang maisakatuparan ang nais gawing proyekto para sa lungsod at anu-anong mga katangian na siyang dapat hanapin sa pagpili ng lider para makamit ang ‘good governance’.
Samantala, ibinahagi naman ni Normina Abubakar na ang boto nilang mga kabataan ang magiging susi upang makamit ang inaasam na mabuting pamamahala sa lungsod. Aniya, bilang isang kabataang Isabeleño, ang pagpili o pagboto sa isang lider ay siyang dapat maaasahan, malalapitan, mapagkakatiwalaan, at walang tinatago sa mata ng mamamayan. Isiniwalat din ni Abubakar na wala sila sa kinauupuan nila ngayon kung hindi dahil sa bilang ng mga boto ng bawat mamamayan.
Nagbigay-din ng kanilang mga natutunan at saloobin ang ibang mga kabataan tungkol sa ‘Isabela noon, ngayon, at ano ang pangarap pa nitong mangyari para sa lungsod sa hinaharap’. Aniya, noon ay walang aktibong programa para sa kanilang mga kabataan ngunit ngayon, dumadami na ito kung saan pinapalakas ang karapatan nila bilang isang kabataan na ibahagi sa lahat ang adbokasiya nito sa kanilang komunidad.
Bukod pa rito, ibinahagi din nila na makakamit itong mabuting pamamahala kung sila mismo ang magiging boses sa kapwa nilang kabataan na hikayatin ito na mamili ng karapat dapat na lider na mamumuno sa kanilang lungsod. Aniya, ang dapat botohin ay marunong mamahala at may nakikitang pagbabago at pag-unlad sa kanilang lungsod.
Ang Pasada GoGo Isabela ay isang maikling bersyon ng talakayan ukol sa mabuting pamamahala kung saan isinasagawa ito bago magsimula ang programa o aktibidad sa lungsod ng Isabela. (Sulat ni S. Angging/Kuha ni K. Evardo, IsaTV)