Isang media conference ang isinagawa ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa Lungsod ng Isabela, ika-16 ng Agosto, na dinaluhan ng mga lokal na lider, kinatawan ng ilang ahensya ng gobyerno, at mga mamamahayag. Nagbigay-diin ang naturang aktibidad sa kahalagahan ng pagpapatupad sa Ease of Doing Business Act at naging pagkakataon para sa mga taga-media na ipahayag ang kanilang mga katanungan hinggil sa mga inisyatiba ng ARTA.
Pinangunahan ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ang kaganapan, kung saan niya tinalakay ang mga hakbangin ng lungsod sa pagbuo ng mas maayos na sistema ng pamahalaan. Sa pagtugon sa mga tanong mula sa media, inilarawan niya ang mga pagsisikap ng Lungsod ng Isabela upang mapabuti ang serbisyo publiko sa pamamagitan ng mga inisyatiba tulad ng Electronic Business One-Stop Shop (e-BOSS).
Kasama ni Alkalde Turabin-Hataman si Direktor Heneral ng ARTA, Kalihim Ernesto Perez na nagbahagi ng mga detalye ng kanilang mga proyekto kontra red tape pati ang benepisyo nito sa mga lokal na pamahalaan at negosyo. Nagbigay-linaw din siya sa mga inisyatiba ng ARTA at nagpatibay sa kahalagahan ng kanilang mga programang naglalayong mapabuti ang pamamahala at serbisyo.
Ang media conference ay nagbigay ng plataporma para sa mga katanungan hinggil sa mga isyu sa red tape at sa pagpapabuti ng mga proseso sa pamahalaan at pag-aalis ng mga hadlang sa negosyo. Pinuri ng mga dumalo ang aktibong pakikilahok ng Lungsod ng Isabela sa mga inisyatibang ito, na nagbibigay ng magandang halimbawa para sa iba pang mga lokal na pamahalaan sa bansa.
Sa pangwakas na pahayag, ipinaabot ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ang kanyang pasasalamat sa lahat ng mga dumalo at sa mga nagbigay ng kanilang suporta sa ARTA. (Sulat ni R. Natividad-Sarael/Kuha ni M. Santos, CIO)