Sa harap ng mga panauhing nagtipon sa pangunahing pasilyo ng Pasangan Commercial Center (PCC) ay inilahad ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ang kaniyang taunang Ulat sa Bayan, ika-6 ng Agosto.
Nagsimula ang alkalde sa pagbabalik-tanaw noong siya ay nagbitiw bilang kinatawan ng Anak Mindanao sa Kongreso noong 2017, kung saan dinahilan niya ang kagustuhang bumalik sa kaniyang komunidad hindi bilang pulitiko kundi bilang kapwa mamamayan. Gayunpaman, tinanggap niya ang panawagan ng panahon at nahalal nga bilang ikalimang punong lungsod ng Isabela.
Dahil na rin sa kaniyang angking paniniwala sa mabuting pamamahala, isinulong niya ang modernisasyon at pagpapataas ng pamantayan ng mga transaksyon at serbisyo sa pamahalaang lokal. Nagbunga naman ito nang maging sertipikado ng ISO 9001:2015 ito noong 2002 at makamit ang minimithing Seal of Good Local Governance noong nakaraang taon. Ilan pa sa mga kaakibat na mga hakbangin na ginawa ng kasalukuyang administrasyon ay ang pagpapatupad ng polisiya ukol sa Freedom of Information (FOI) kung saan nagiging bukas sa mga mamamayan ang mga gawain ng buong pamahalaang lokal.
Para sa kapayapaan at seguridad, binigyang-pansin ang pagpapalakas ng mga Barangay Drug Abuse Councils at ang todong pagsuporta sa sektor ng seguridad na umabot na ng 5 milyong piso.
Sa aspeto ng imprastruktura, inulat ang pagtatayo ng mga konkretong mga taytayan, mga daan, mga multipurpose covered courts, barangay health stations, at pagtukod ng mga solar streetlamps, pati na rin ang mga proyekto na lumipol sa baha sa Legaspi Street at Barangay Baluno.
Sa pag-unlad ng lokal na ekonomiya, umabot ang Lungsod ng Isabela sa P450,555,133 na capital investment para sa mga bagong negosyo noong 2023, at nagkaroon ng 31.7% na tulin sa paglago ng lokal na ekonomiya. Nagkaroon din ng malaking pagtaas sa mga negosyong nag-renew at bagong nagparehistro. Hindi rin nakaligtaan ang sektor ng mga maliliit na negosyante, kung saan inilunsad ang iba’t ibang mga programa tulad ng Islamic Microfinance Livelihood Assistance Program at Elevate AIDA para sa mga kababaihan.
Sa huling bahagi ng kaniyang talumpati ay ibinahagi rin ni Punong Lungsod Turabin-Hataman ang mga programa kontra malnutrisyon, kalusugang panlahat, at pag-akay sa mga sektor ng mga katutubo, kababaihan, kabataan, pati na rin ang mga PWDs, senior citizens, at solo parents.
Datapwat, ay nagpasalamat ang alkalde sa lahat ng kawani at kasamahan niya sa pamahalaan na nagsisikap para sa ikauunlad ng lungsod. Espesyal ding binanggit ang tulong ni Kongresista Mujiv Hataman, partikular ang kaniyang naging inisyatiba upang punan ang pondo ng lungsod upang ito ay makagawa ng mga mahahalagang proyekto pakikinabangan ng lahat ng Isabeleño.
Ilan sa mga sumaksi sa talumpati ng alkalde sina Bokal Ahmed Ibn Djaliv Hataman ng Unang Distrito ng Basilan, Bise Alkalde Jhul Kifli Salliman at mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod ng Isabela; mga tagapangulo at hepe ng mga tanggapan at sangay ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Isabela sa pangunguna ni Tagapangasiwa ng Lungsod, Pedrito Eisma; at mga punong barangay sa pangunguna ni Abral Abdurahman, pangulo ng Liga ng mga Barangay.
Para sa PCC, ang mga nakilahok na mga barangay ay ang Balatanay, Eastside, Isabela Proper, Kapatagan Grande, Kaumpurnah Zones I, II, at III, Kumalarang, Makiri, Marketsite, Port Area, at Sta. Cruz.
Naroon din sina PLTCOL Parson Asadil, Hepe ng Himpilan ng Pulisya sa Lungsod ng Isabela; FSINSP Vincent Toribio, Hepe ng Himpilan ng Bumbero sa Lungsod ng Isabela; JSINSP Samuel Nasiad, Hepe ng Kawanihan ng Pamamahala ng Bilangguan at Penolohiya sa Lungsod ng Isabela; PCAPT Jerwin Cenas, Komandante ng Kumpanya, Ika-53 na Espesyal na Pwersa ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas; PSMS Mark Anthony Basillio, pinuno ng Yunit ng EOD at Canine sa Lungsod ng Isabela; at CG LTJG Arturo Alamani Jr, Komandante ng Himpilan ng Tanod-Baybayin sa Lungsod ng Isabela. Nakiisa rin ang mga tagapangulo ng iba’t ibang sangay ng mga tanggapan ng pamahalaang pambansa at mga kinatawan ng iba’t ibang sektor kasama ang mga pangkat lipunang sibil.
Samantala, upang mas marami ang makapanood sa ginawang ulat ni Alkalde Turabin-Hataman ay nagkaroon ng mga ‘watch party’ sa iba’t ibang lokasyon sa lungsod gaya sa East at West Transport Terminals, sa Plaza Rizal, sa Strong Boulevard at sa Malamawi National High School. (Sulat ni R. Natividad-Sarael/Kuha ni M. Santos, CIO)