Nakipagpulong ang ilang opisyal ng Akademiya Militar ng Pilipinas (PMA), Agosto 8, kay Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma upang pag-usapan ang gagawing ‘recruitment drive’ ng nasabing institusyon sa Lungsod ng Isabela ngayong Setyembre. Kasama rin sa naging pag-uusap si Katuwang na Kalihim para Ugnayang Panseguridad, Rix La Guardia.
Sa pangunguna ni propesor COL Ryan Celino, PROF (GSC) at CPT Jerryl Subol (INF) PA, CMO Officer ng 4th Special Forces Battalion, tinalakay nila ang kanilang layuning palakasin ang kamalayan ng mga kabataang Isabeleño ukol sa pagkakataong mag-aral sa PMA.
Sinusugan din ni CPT Brent Dacquigan mula sa S7 ng 101st Infantry Brigade, ang planong gumawa ng isang orientasyon sa Mataas na Paaralang Pambansa ng Basilan (BNHS). Ang layunin ay magbigay ng komprehensibong kaalaman tungkol sa PMA recruitment at mga benepisyo nito, upang hikayatin ang mga kwalipikadong estudyante na pag-isipan ang posibleng karera sa serbisyo militar. (Sulat ni R. Natividad-Sarael/Kuha ni M. Santos, CIO)