Ang Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Isabela, sa ilalim ng pamumuno ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, sa pamamagitan ng Tanggapan para sa Pagtugon ng Sakuna (CDRRMO) na pinangungunahan ni Hepe Uso Dan Salasim, at sa pakikipagtulungan ng Himpilan ng Bumbero sa Lungsod ng Isabela, ay nagsagawa ng pamamahagi ng mga sertipiko at paghahandog ng mga kagamitang pangreskyu, ika-13 ng Agosto, para sa ikalawang grupo ng Citizen-Responders for Emergency and Safety (CIRENS) bilang pagkilala sa kanilang pagtatapos ng pagsasanay para sa Community First Response.
Ang kabuuang bilang ng mga barangay responders na tumanggap ng sertipikasyon at kagamitan ay umaabot sa 88 mula sa walong barangay na nahahati sa tatlong klaster: Klaster 1 (Diki, Sta. Barbara, at Marang-Marang), Klaster 2 (Lukbuton at Lampinigan), at Klaster 3 (Carbon, Tampalan, Balatanay).
Sa pambungad na mensahe ni Ginoong Salasim, ibinahagi niya na ang layunin ng programa ay upang matiyak na lahat ng residente ng Lungsod ng Isabela ay handa at may kaalaman sa tamang pag-aksyon tuwing may mga sakuna tulad ng baha at sunog. Naniniwala siya na mahalaga ang pagkakaroon ng kaalaman at kasanayan sa mga sitwasyong ito, hindi lamang sa mga matatanda kundi pati na rin sa mga bata.
Sa kanyang mensahe, pinuri naman ni Alkalde Turabin-Hataman ang lahat ng mga naging bahagi ng nasabing inisyatiba. Ipinahayag niya na ang proyektong CIRENS ay nabuo dahil sa mga insidente ng pag-ulan at baha noong mga nakaraang taon, kung saan nakita niyang aktibong kumilos, nagtulungan, at nagligtas ang mga local responders sa kanilang mga kabarangay. Kaya’t napagpasyahan na magdaos ng ganitong pagsasanay upang ang bawat barangay ay magkaroon ng mga local responders na maaaring tumugon sa oras ng pangangailangan.
Samantala, ang pagbibigay ng mga kagamitang pangsakuna, na nagkakahalaga ng P418,425 mula sa Pondong LDRMM, ay kinabibilangan ng:
5 rescue lifevest
5 pares ng working gloves
5 piraso ng rechargeable head lamps
2 piraso ng lifebuoy ring
1 piraso ng first aid kit
1 megaphone
5 piraso ng hard hat
5 piraso ng raincoat na may reflector
1 rolyo ng 25 metrong lubid na nylon
Dinaluhan ang seremonya nina LDRRMO Maevel Francisco, Kawaksing Hepe ng CDRRMO Jaime Rivera, mga CDRRMO responders, at mga kinatawan ng mga opisyal ng mga nabanggit na barangay. (Sulat ni E. Banding-Hadjala/Kuha ni M. Santos, CIO)