Puno ng kasiyahang inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa pamumuno ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman sa pamamagitan ng Tanggapan ng Lokal na Kalinangang Pangkabataan sa pangunguna ni LYDO Levinia Jarejolne katuwang ang Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan na pinamumunuan ni Konsehal Naila Belleng ang taunang Linggo ng Kabataan, unang araw ng Agosto.
Kagaya ng Pandaigdigan Araw ng Kabataan ngayong taon, tangan ng selebrasyon ang temang “From Clicks to Progress: Youth Digital Pathways for Sustainable Development,” na naglalayong bigyang-diin ang mahalagang papel ng kabataan sa digital na mundo.
Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang makulay na parada mula Isabela East Terminal patungo sa Sentrong Pangkultura at Pansibiko ng Lungsod ng Isabela. Kasamang nakilahok sa parada ang mga tagapangulo at kagawad ng 45 sangguniang kabataan ng lungsod, at mga kinatawan ng iba’t ibang mga organisasyong pangkabataan.
Nagsilbi namang panauhing pandangal si Asec. Carol Julianne “CJ” Dalipe na pangulo ng Pambansang Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan at komisyoner ng Pambansang Komisyon Pangkabataan. Sa kaniyang naging mensahe, hinimok niya ang mga kabataang Isabeleño na maging huwaran sa paggamit ng teknolohiya at social media para sa kagalingan ng kapwa nilang mga kabataan.
Nakiisa rin sina 4th SF Battalion Commander LTC Ian Adolf Garceron, PA, at Bokal Ahmed Ibn Djaliv Hataman ng Unang Distrito ng Basilan.
Tampok din ang pag-anunsyo ng mga kapana-panabik at makabuluhang aktibidad para sa Linggo ng Kabataan, pati na rin ang pagbubukas ng ika-apat na HAPIsabela Youth Summit.
Hindi rin nagpahuli ang iba’t ibang barangay sa pagpapakita ng kanilang mga talento sa pamamagitan ng mga pagsayaw, pagkanta, at iba pang kahanga-hangang pagtatanghal.
Nataon naman ang paglulunsad sa nominasyon ng Isabela City LYDO bilang finalist para sa Outstanding Local Youth Development Office sa buong Pilipinas pagkatapos ang masusing paper screening at impact validation ng mga programa at proyekto nito. (Sulat ni R. Natividad-Sarael, CIO/Kuha ni KJ Evardo, IsaTV)