Sa ika-apat na ronda ng Good Governance o GoGo Isabela Caravan, tumungo ito sa Barangay Balatanay kung saan mahigit sa 100 na mga residente ng komunidad ang aktibong lumahok sa nasabing programa, ika-7 ng Agosto.
Sa pambungad na diskusyon, ipinaliwanag ni Maria Wendy Parojinog, Media Production Assistant mula sa Philippine Information Agency-Basilan, ang kahalagahan sa pag-unawa ng konsepto ng mabuting pamamahala at ang mga paraan na dapat gawin upang ito ay makamit. Binigyang-diin din nito na sa pamamagitan ng pakikiisa at pagtutulungan ng mamamayan sa pagpili ng maaasahang mamumuno sa lungsod ay posibleng magkaroon ng pag-unlad at pagbabagong minimithi tungo sa mabuting pamamahala.
Samantala, tinalakay naman ni Engr. Ameen Camlian ang tungkulin at ang responsibilidad ng mga Local Chief Executives sa pamahalaang lungsod kasama ang halimbawa ng mga katangian na siyang dapat maging basehan ng mamamayan sa pagpili ng maaasahang lider. Ipinaliwanag din nito ang usapin ukol sa budget ng gobyerno, detalyadong distribusyon ng pondo sa mga programa at proyekto para sa lungsod, at ang karapatan ng bawat isa na malaman kung saan nga ba napupunta ang kanilang mga binabayaran na buwis.
Ang GoGo Caravan ay bahagi ng inisyatiba ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman na naglalayong palakasin ang pagiging bukas sa pamamahala sa Lungsod ng Isabela. Layunin nitong magbigay ng oportunidad sa mga miyembro ng komunidad na makilahok at maunawaan ang mga proseso at programa ng pamahalaang lokal.
Sa pagpapatuloy ng GoGo Isabela Caravan, inaasahang mas mapapalawak pa ang kaalaman at pakikiisa ng mga mamamayan sa mga adhikain ng good governance ng Lungsod ng Isabela. (Sulat ni Sara Angging / Kuha ni C. Digon, IsaTV)