Bilang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan (International Youth Day) sa ika-12 ng Agosto, ay nagkaroon ng isang ‘coffee growing activity’ ang nasa mahigit 100 kabataang Isabeleños sa pangunguna ng Tanggapan para sa Lokal na Kalinangang Pangkabataan (LYDO) katuwang ang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan at Tanggapan ng Agrikultura (CAgO).
Ginanap ang nasabing pagtatanim sa Maligue at naglalayong hikayatin ang mga kabataan na hindi lamang maging mas malapit sa kalikasan, kundi pati na rin maging aktibong kabahagi ng kampanya ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman na bigyang-buhay muli ang sektor ng kape sa lungsod.
Samantala, upang maging posible ang nasabing aktibiday ay nagbigay ang Dibisyon ng Kapaligiran at Likas na Yaman ng CAgO ng 500 punla ng kape bilang suporta, at tinuruan ang mga nakilahok na mga volunteer, at mga kabataan na miyembro ng Youth Space Mentoring Program ng LYDO sa tamang pagtatanim ng mga ito.
Kinatawanan naman ni dalubsaka Jonathan Pedillon ang CAgO katuwang si Kenny Villanueva mula sa LYDO. (Kuha ni KJ Evardo, IsaTV)