Ang Pamahalaang Lungsod ng Isabela, sa ilalim ng pamumuno ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, sa pamamagitan ng Tanggapan ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (CSWDO) na pinangungunahan ni CSWDO Nor-aina Asmara at Tanggapan ng Ugnayan Para sa May Kapansanan (CPDAO) sa pangunguna ni CPDAO Gemma Casas-Paculio, ay isinagawa ang ikalawang PWD Summit na ginanap sa Sentrong Pangkultura at Pansibiko, Hulyo 31, bilang paggunita sa National Disability Rights Week 2024 sa ilalim ng temang “Promoting Inclusion: Celebrating Abilities and Advocating Access.”
Sinimulan ang programa ng isang sesyon ng GOGO PASADA, isang maikling pagpapaliwanag tungkol sa Good Governance. Ang pagpapaliwanag ay inilahad ni CIO Mendry-Ann Lim kasama si Shane Sualing, na nagbigay ng kabatiran sa mga dumalo tungkol sa kahalagahan ng pagsulong ng mabuting pamamahala, kung saan ipinaliwanag na tungkulin ng bawat Isabeleño na piliin ang mga lider na may pananagutan at mapagkakatiwalaan na gagastusin ang pondo ng pamahalaan para sa mga programa at serbisyo nang ayon sa batas.
Layunin ng summit na ito na magtipon ang mga Persons with Disabilities mula sa iba’t ibang panig ng lungsod upang maipagkaloob sa kanila ang iba’t ibang serbisyong pampamahalaan at magbigay ng kasiyahan sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad.
Ilan sa mga tanggapan ng Pamahalaang Lokal at mga ahensya ng gobyerno na nagbigay ng serbisyo sa nasabing programa ay ang mga sumusunod:
CAgO – libreng mga binhi at fertilizer
CHO – libreng konsultang medikal at mga kinakailangang medisina
CPMDO – libreng arozcaldo sa pamamagitan ng Mobile Kitchen
DSWD – pagpapalaganap ng mga impormasyon sa mga programa at serbisyo
DOLE – pagpapakalat ng mga impormasyon sa mga programa at serbisyo
PESO – pagpapalista sa mga livelihood program
Naroon din si Konsehal Karel Annjaiza Sakkalahul na nagbahagi ng pasasalamat sa mga lumahok at sumuporta sa kaganapan. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng inklusibong lipunan na nagbibigay-pansin sa pangangailangan ng bawat isa. (Sulat ni E. Banding-Hadjala, CIO/Kuha ni KJ Evardo, IsaTV)