𝗛𝗜𝗚𝗜𝗧 𝟰𝟬𝟬 𝗡𝗔 𝗞𝗔𝗦𝗢 𝗡𝗚 𝗗𝗘𝗡𝗚𝗨𝗘, 𝗡𝗔𝗜𝗧𝗔𝗟𝗔 𝗦𝗔 𝗟𝗨𝗡𝗚𝗦𝗢𝗗 𝗡𝗚 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔; 𝗠𝗚𝗔 𝗛𝗔𝗞𝗕𝗔𝗡𝗚 𝗞𝗢𝗡𝗧𝗥𝗔 𝗥𝗜𝗧𝗢, 𝗜𝗡𝗜𝗟𝗔𝗧𝗔𝗚 | Nakipagpulong si Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman sa tagapangulo ng Tanggapan ng Kalusugan (CHO) na si Dr. Mohrein Ismael VI upang talakayin ang mga hakbangain para tugunan ang kasalukuyang sitwasyon ng dengue sa lungsod.
Sa 2024, nakapagtala ang Zamboanga Peninsula ng kabuuang 8,906 kaso ng dengue, at naitala ang 18% na pagtaas mula sa nakaraang taon. Sa Lungsod ng Isabela ay may nabilang na 432 na kaso at isang pagkamatay, kung saan ang pinaka-apektado ay mga bata nasa 1-10 taong gulang.
Aktibong nakikibahagi ang City Epidemiology Surveillance Unit (CESU), kasama ang Kagawaran ng Kalusugan (DOH), sa mga kagyat na pamamaraan kontra dengue. Kabilang sa mga hakbang na ito ang mga kampanya sa kalusugan, pamamahagi ng Long-Lasting Insecticidal Nets (LLINs), at paggamit ng Dengue NS1 kits para sa maagang pagsusuri. Mula noong Enero 1 hanggang Agosto 9, nakapagsagawa ang CHO ng kabuuang 366 NS1 tests.
Kasama rin sa mga hakbang ang pag-igting ng paglilinis at ginawang fumigation sa 31 barangay, pamamahagi ng mga larvicidal powders, at Indoor Residual Spraying (IRS) sa mga lugar na may naitalang mga kaso. Samantala, iminungkahi ni Dr. Ismael VI ang patuloy na indoor residual spraying para sa mga tahanan na may mga clustered cases at binigyang-diin ang paggamit ng mga treated mosquito nets upang mapigilan ang paglaganap ng sakit.
Ayon sa datos mula sa CHO naitala ang mga nagkasakit ng dengue sa mga sumusunod na barangay:
Sumagdang (52 kaso)
Aguada (29 kaso)
Tabuk (28 kaso)
San Rafael (27 kaso)
Begang (21 kaso)
Menzi (20 kaso)
Binuangan (18 kaso)
Sunrise (17 kaso)
Tampalan (17 kaso)
Doña Ramona (16 kaso)
Kaumpurnah Zone I (15 kaso)
Diki (14 kaso)
Lanote (14 kaso)
Isabela Proper (13 kaso)
Busay (11 kaso)
Kaumpurnah Zone II (11 kaso)
Timpul (11 kaso)
Eastside (10 kaso)
Cabunbata (9 kaso)
La Piedad (8 kaso)
(Sulat ni SJ Asakil/Kuha ni M. Santos, CIO)