Sa pagpapatuloy ng Linggo ng Kabataan 2024, nagsimula ang unang araw ng HAPIsabela Youth Summit 4.0: Trail Challenge, Agosto 2, na ginanap sa kampo ng 4th Special Forces Battalion ng Hukbong Katihan ng Pilipinas.
Personal na pinaunlakan ni Bokal Ahmed Ibn Djaliv Hataman ng Unang Distrito ng Basilan ang nasabing pagtitipon at pinangunahan ang sesyon na “Basilan Five Years From Now” kung saan diniin niya ang kahalagahan ng naturang summit sa paghubog ng mga susunod na lider ng Lungsod ng Isabela.
Ipinakilala ng Tanggapan ng Pamamahala sa Populasyon at Kaunlaran ang Gardenator Project. Nagbahagi rin sila ng maikling pangkalahatang ideya at kamalayan tungkol sa teenage pregnancy.
Matapos ang mga sesyon pang-edukasyon, nagsimula na ang mga kalahok sa kanilang trail challenge sa bundok. Tinuruan sila kung paano gumawa ng apoy gamit ang mga bagay na matatagpuan sa bundok.
Ayon pa sa Tanggapan ng Kalinangang Pangkabataan o LYDO, ang layunin ng HAPIsabela Youth Summit 4.0: Trail Challenge ay maituro ang mga aral ng pagsusumikap at katatagan sa mga lider-kabataan na mga Isabeleños upang matuto silang magpursige at hindi sumuko sa harap ng mga pagsubok. Bukod dito, nabubuo rin ang kanilang pagmamahal at pagpapahalaga sa kalikasan, na nagpapalakas sa kanilang pananaw sa pangangalaga sa kapaligiran. (Sulat ni KJ Lim/Kuha ni KJ Evardo, IsaTV)