Nagtipon sa lungsod ang mga kinatawan ng iba’t ibang paaralang kasapi ng Catholic Education Association of the Philippines (CEAP) sa rehiyon para sa kanilang taunang hunta, ika-9 ng Agosto.
Sa ngalan ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman, malugod na tinanggap ni Tagapangasiwa ng Lungsod Pedrito Eisma ang mga direktor at punongguro ng mga miyembrong eskwelahan sa pangunguna ni pangulo ng Pamantasang Ateneo de Zamboanga at Tagapangalagang Panrehiyunal ng CEAP IX na si Fr. Guillrey Anthony “Ernald” Andal, SJ. Kasama rin niya si Annie Ebreo na nagsisilbi namang Kordineytor ng mga Programang Panrehiyunal ng nasabing organisasyon.
Ang nasabing pagtitipon ay tinaon naman sa ika-75 taon ng Claret College of Isabela (CCI), bagay na binigyang-diin ni Sr. Alecia Dumaboc, OND sa kaniyang mensahe. Ang CCI bilang kaisa-isang paaralang Katoliko sa buong Basilan ang tumatayong punong-abala sa aktibidad na ito.
Ipinaabot naman ni Ginoong Eisma ang kagalakan ni Alkalde Turabin-Hataman dahil sa lungsod napiling ganapin ang pagtitipong ito na patunay umano na hindi lamang ito ligtas na pagdausan, sumasalamin din ito sa paggalang ng mga Isabeleño sa pagkaiba-iba ng pananampalataya.
Nakiisa rin sa hapunang pagsalubong na ginanap sa may Liwasang Fuego-Fuego sina Bokal Ahmed Ibn Djaliv Hataman ng Unang Distrito ng Basilan, Hepe ng LEDIPO Jaime Juanito Rivera at iba pang mga panauhin. (Sulat ni M. Guerrero, CIO/Kuha ni KJ Evardo, IsaTV)