Hinandugan ng tanggapan ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ng knapsack bags na may lamang school supplies ang may nasa 100 mag-aaral ng Badjao Floating Integrated School (BFIS) sa unang araw ng balik-eskwela, ika-29 ng Hulyo.
Tinaon naman ito sa pagbisita ng Learning and Information for Barangay Readers Outreach (LIBRO) Mobile Library sa nasabing paaralan. Ito ang kauna-unahang pagdalaw ng HAPIsabela Mobile Library sa isang island community sa ikalawang taon ng pagseserbisyo nito sa lahat ng batang mambabasa sa Lungsod ng Isabela.
Bahagi rin ng aktibidad ang pasinaya sa Project SAGWAN (Silid-Aralan Gabay sa Wika, Abilidad at Numerasya) Learning Hub na minungkahi ni School Reading Coordinator Andro Monsole at naging posible dahil sa donasyon ng Mindanao Freedom Ride of the Philippines kung saan miyembro sina Alkalde Hanie Bud ng Bayan ng Maluso at Kongresista Mujiv Hataman ng Tanging Distrito ng Basilan. Ang nasabing silid ay magsisilbing linangan ng iba’t ibang mga programa ng BFIS gaya ng remedial reading, pamahayagang pangkampus, sining, at iba pa.
Sa kaniyang naging mensahe, abot-abot ang pasasalamat ni Punongguro Dianah Jean Segayo dahil sa walang-patid na suporta ng Pamahalaang Lokal sa mga mag-aaral ng BFIS. Sinegundahan naman ito nina Superbisor Fe Jabarani at Barangay Tampalan IPMR Romano Alih sa kanilang mga tugon. Samantala, sa kaniya namang mensahe, hinimok ni Island District II PSDS Dr. Jamir Lujuman na pagsumikapan ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral upang maiahon ang kanilang pamayanang katutubo mula sa laylayan ng lipunan.
Nagdala naman ng saya at tuwa sa mga bata at gurong nagtipon ang pagbisita at pagsayaw nina Isa at Bella. Naging katuwang naman ang Smart Choice Grocer sa nasabing aktibidad sa pamamagitan ng pag-isponsor ng meryenda para sa mga mag-aaral sa hapong iyon.
Batay na rin sa tagubilin ni Punong Lungsod Turabin-Hataman, layunin ng HAPIsabela Mobile Library na maabot ang bawat sulok ng Lungsod ng Isabela upang idiin ang kahalagahan ng pagbasa sa bawat pamayanan. (Sulat ni M. Guerrero/Kuha ni A. Sali, CIO)