Upang magkaroon ng mas malawak na kaalaman sa mga maaaring solusyon sa problema sa kuryente dulot ng kinasasadlakan ng BASELCO, inorganisa ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela ang isang talakayan, Hulyo 11, kung saan ang naging panauhin ay ang Senior Vice President at External and Government Affairs Officer ng MERALCO, si Atty. Arnel Casanova.
Sa unang bahagi ay nag-ulat si BASELCO Technical Officer Engr. Roderick Ignacio sa kasalukuyang sitwasyon ng nasabing koperatiba. Dito, hinimay ni Engr. Ignacio ang mga datos ukol sa mga nararanasang blackout sa Lungsod ng Isabela at sa buong Basilan at ang pinag-ugatan nito –ang lumang mga kagamitan, linya at poste na kalimitan ay nagagambala ng mga punong nakatanim malapit dito; ang mababang koleksyon ng bayad mula sa mga komokunsumo ng kuryente mula BASELCO; at ang malaking pagkakautang ng koperatiba na siyang naglilimita sa maaaring pamumuhunana sa mga pasilidad nito.
Sa kaniyang naging diskurso, inilahad ni Atty. Casanova kung paano nakaaapekto sa local na ekonomiya ng isang bayan o lungsod ang walang kasiguraduhang suplay ng kuryente. Bilang pinakamalaking kompanya ng kuryente sa Pilipinas, dinitalye ni Atty. Casanova kung paano sa pamamagitan ng teknolohiya ay natitiyak nila ang kalidad ng kanilang serbisyo sa 8 milyon nilang konsyumer at makapaghatid ng kalahati ng pangangailangan sa enerhiya ng buong bansa sa ‘di hamak na mas mababang presyo kung ihahambing sa mga koperatiba ng kuryente. Sa isang paghahambing, lumabas na ang nararanasan na blackout ng isang konsyumer ng MERALCO ay katumbas lamang ng isang oras sa buong taon, kung ihahambing sa higit sa 200 oras para sa mga nakalinya ng BASELCO. Diesel din ang tanging pinagkukunan ng enerhiya ng Basilan, na malimit ay tumataas ang presyo sa pandaigdigang merkado hindi kagaya ng solar, geothermal o wind energy na sumusuplay sa MERALCO kaya hindi ito nagiging ‘hostage’ sa isang source. Sa huli, diniin ni Atty. Casanova na “kung saan ang kuryente ay mura at maaasahan, naroon ang kasaganahan.”
Hindi naman napigilang mabahala ni Kinatawan ng Tanging Distrito ng Basilan Mujiv Hataman sa paglobo ng utang ng BASELCO. Kahit aminadong ito ay bunga ng nakalipas na mga taon ng pangit na pamamahala, hinamon ng kongresista ang kasalukuyang pamunuan ng BASELCO na maging bukas at tapat sa mga desisyon nito hinggil sa pagpapatakbo ng nasabing koperatiba bilang pananagutan sa lahat ng miyembro nito. Sinigundahan naman ito ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman na nagpaalala sa BASELCO na magkaroon ng pagkukusa na humingi ng tulong o sumangguni sa mga eksperto upang hindi lumalala ang sitwasyon at humantong sa krisis ang sitwasyon ng pangunahing tagapaghatid ng kuryente sa buong Basilan.
Sa pagtatapos, iminungkahi ni Atty. Arnel Casanova na dapat ay makipagnegosasyon ang BASELCO sa mga pinagkakautangan nito at pagtuunan ng pansin ang rehabilitasyon ng mga linya, poste at pasilidad ng koperatiba. Tiwala sa Atty. Casanova na kapag gumanda naman ang serbisyo ng BASELCO ay mas tataas ng kita nito at mababayaran din sa kalaunan ang mga pagkakautang nito. Sinusugan naman ito ni Punong Lungsod Turabin-Hataman na nagsabing ang isyu ng BASELCO ay dapat na magbunsod sa lahat upang “sama-sama na magdesisyon, sama-samang aaksyon.”
Ang nasabing forum ay dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang sektor gaya ng sektor ng seguridad, panlipunang sibil, edukasyon, komersyo at iba pa gaya ng Isabela City Peoples’ Council sa pangunguna ni pangulong Pastor Ronald Paulino. Naroon din si Bokal ng Unang Distrito ng Basilan Ahmed Ibn Djaliv Hataman, ang ilang tagapangulo ng pamahalaang lokal gaya nina Tagapamahala ng Lungsod Pedrito Eisma, CHRMO Rosella Luna, CPDC Gay Palagtiosa, CTO Claudio Ramos, CDRRMO Uso Dan Salasim, CSWDO Nor-Aina Asmara, Hepe ng LEDIPO Jaime Juanito Rivera, Asst. CHRMO Mojahed Cosain at EA for IP Affiars and CSO Desk Officer Norhaiya Macusang.
Sa kabila ng araw-araw na blackout na wala rin namang pinagbago sa mga nakalipas na taon, tanging sa panunungkulan ni Kongresista Mujiv Hataman nagkaroon ng malalimang atensyon at diskusyon ukol sa BASELCO na humantong pa sa mga pagdining sa Kongreso. Magkaisa ang saloobin nina Kongresista Hataman at Alkalde Turabin-Hataman na kinakailangan ang mga hakbang na ito upang malunasan nang pangmatagalang ang mga problema sa BASELCO at hindi ito tuluyang maging hadlang sa kaunlaran ng Lungsod ng Isabela at ng buong Lalawigan ng Basilan. (Sulat ni M. Guerrero, CIO/Kuha ni KJ Evardo, IsaTV)