Pinangunahan ni Bise-Alkalde Jhul Kifli Salliman ang maluwalhating pagdiriwang ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela sa ika-126 Taon ng Kalayaan at Pagkabansang Pilipino noong Hunyo 12, sa Liwasang Rizal.
Nagsimula ang palatuntunan sa pagbibigay-pugay sa watawat ng Pilipinas kasunod ng pag-awit ng Lupang Hinirang. Sinundan naman ito ng panalangin at ang pagtugtog ng ‘Dear Isabela’. Si Faye Barandino mula CHRMO naman ang namuno sa pagbigkas ng Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas.
Kasunod ng mga panimula ay ang pag-aalay ng mga bulaklak sa monumento ni Gat Jose Rizal na pinangunahan ni Bise-Alkalde Salliman kaagapay si BGEN Alvin Luzon, PA, 101st Infantry Brigade Commander.
Kasama sa nakiisa sa nasabing programa ay mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod na sina konsehal Yusop Abubakar, Ar-Jhemar Ajibon, Khaleedsher Asarul, Jeromy Casas, Bimbo Epping, Candu Muarip, Abner Rodriguez at IPMR Mary May Julhari.
Kasama rin ang ilang mga punong barangay, mga tagapangulo, kawaksi, at mga kawani mula sa iba’t ibang kagawaran at sangay ng Pamahalaang Lokal. Kasama rin ang ilang kinatawan mula sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan at mga miyembro ng mga organisasyong pangsibiko.
Buo rin ang suporta ng mga opisyal at tauhan. ng Hukbong Katihan ng Pilipinas na sina 4th Special Forces Battalion Commander LTC Adolf Ian Garceron, PA, at 19th Special Forces Company, 4th SF BN Company Commander CPT Marvin Jacinto, PA. Naroon din si PLTCOL Parson Asadil na hepe ng Himpilan ng Pulis sa Lungsod at ang kaniyang mga tauhan, mga opisyal ng Himpilan ng Tanod-Baybayin ng Isabela, Himpilan ng Bumbero ng Lungsod, at Piitang Panlungsod ng Isabela.
Inatas naman ni Bise-Alkalde Salliman sa kaniyang talumpati ang mga dumalo na pagnilayan ang mga aral ng kasaysayan upang mapagtanto kung tunay nga bang malaya ang lahat kung may mga kababayan tayong sadlak sa kahirapan at kawalang-katarungan.
Samantala, sa kanyang mensahe, na binasa ni Konsehal Abner Rodriguez, pinaalala ni Punong Lungsod Turabin-Hataman ang diwa ng pagsaulog sa Araw ng Kalayaan: “Habang itinataas natin ang bandila ng Pilipinas at may kasamang pag-awit ng Lupang Hinirang, ipaalala natin na ang kalayaan ay hindi lamang isang patutunguhan kundi isang patuloy na paglalakbay. Ito ay nangangailangan ng ating matiyagang bantay, at tapat na pagsunod sa mga prinsipyong nagtatakda sa atin bilang isang bansa.”
Ang temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan.” ang tangan ng taunang pagdiriwang, na nagpapakita ng pagmamahal at pagpapahalaga sa kasaysayan at kinabukasan ng bansa. (Sulat ni R. Natividad-Sarael/Kuha ni M. Santos, CIO)
#KalayaanKinabukasanKasaysayan