Humigit-kumulang sa 2,000 Isabeleños ang nakiisa sa paglunsad ng Good Governance o GoGo Isabela Caravan, Hulyo 3, sa Isabela City Gymnasium. Nagsilbi bilang panauhing pandangal ang dating pulis-heneral at tagapanguna ng Mayors for Good Governance na si Punong Lungsod Benjamin Magalong ng Lungsod ng Baguio.
Sa harap ng madla na kinabibilangan ng mga punong barangay, opisyal, Barangay Information Officers, Barangay Health Workers at mga guro mula sa Child Development Centers ng 45 barangay ng Lungsod ng Isabela, mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan, mga kinatawan ng sektor ng seguridad, sektor ng komersyo, sektor ng edukasyon at simbahan, mga kabataan, mga vendors at maliliit na negosyante, mga kababaihan, mga senior citizens, mga may-kapansanan, at mga katutubo, ay ipinaliwanag ni Punong Lungsod Sitti Djalia Turabin-Hataman ang diwa sa likod ng GoGo Isabela Caravan.
“Sa pamamagitan ng GoGo Isabela Caravan, target nating lumikha ng pampublikong pangangailangan para sa mabuting pamamahala; bigyan ng kapangyarihan ang mga Isabeleño na humingi ng pananagutan mula sa kanilang mga pinuno; humulma ng mga lider na magtataguyod ng mabuting pamamahala; at hikayatin ang pagpili ng mga pinunong nakatuon sa mabuting pamamahala,” saad pa ni Punong Lungsod Turabin-Hataman. Dagdag pa ng alkalde, ang GoGo Isabela ay nabuo dahil na rin sa tila bang nakasanayan nang kalakaran ng korapsyon sa pamahalaan.
Kaya naman layunin ng proyektong ito ang pag-igtingin ang kamalayan at kaalaman ng mga Isabeleño ukol sa mga proseso ng lokal na pamahalaan, partikular sa pamamahala ng budyet nito.
Ayon kay Mayor Turabin-Hataman, “Ating hangarin at dalangin, na sa pamamagitan ng GoGo Isabela Caravan, masimulan natin ang pagpundar ng isang Lungsod ng Isabela kung saan ang bawat Isabeleño, ay may alam at may pakialam.”
Sa kanyang talumpati bilang Keynote Speaker, isiniwalat ni Mayor Magalong ang iba’t ibang modus ng korapsyon sa mga proyekto ng pamahalaan kung saan bilyon-bilyon ang nawawala sa kaban ng bayan at napupunta sa iilan imbes na ito ay gastusin para sa mga serbisyong pampubliko. Hinimok din niya ang lahat na maging mulat sa isyung ito, lalong-lalo na ang mga kabataan na kaniyang hinamon na mamuno sa kampanya ukol sa ‘good governance.’
Bilang panghuli, inihayag ni Mayor Magalong kung bakit nabuo ang Mayors for Good Governance (M4GG) kasama si Mayor Turabin-Hataman at iba pa, at kung bakit hindi sila tumitigil sa panawagan para sa mabuting pamamahala sa lebel ng lokal na pamahalaan: “Hindi po kami susuko dahil ‘pag sumuko kami para na rin nating isinuko ang kinabukasan ng ating mga… anak… apo… ang susunod na henerasyon pati na rin ng ating bayan.”
Nagpahayag naman ng mensahe ng suporta sina Pastor Ronald Paulino na pangulo ng Isabela City People’s Council, si Philippine Information Agency IX Regional Director Noemi Edaga, at ang ilan pang miyembro ng M4GG na sina Mayor Felipe Antonio Remollo ng Lungsod ng Dumaguete, Mayor Rommel Arnado ng Bayan ng Kauswagan, Lanao del Norte, at Mayor Joy Belmonte ng Lungsod Quezon.
Nagpakita rin ng kaniyang buong suporta si Kinatawan ng Tanging Distrito ng Basilan Mujiv Hataman na naglahad na simula’t sapul ay naging panata na niya ang paglaban sa korapsyon mula noong naging gobernador ng dating Autonomous Region in Muslim Mindanao at ngayon bilang kongresista. Pagtitiyak pa ni Kongresista Hataman na wala siya ni isang ipinatupad na ‘ghost project’ sa Lungsod ng Isabela at sa buong distrito ng Basilan.
Dumalo at nakiisa sa GoGo Isabela Caravan sina Konsehal Yusop Abubakar, Ar-Jermar Ajibon, Jeromy Casas, Bimbo Epping, James Abner Rodriguez, Karel Annjaiza Sakkalahul, at sina ABC President Abral Abdurahman, SK Federation President Naila Belleng at Marymay Julhari. Pinangunahan naman ni Tagapamahala ng Lungsod Pedrito Eisma ang grupo ng mga tagapangulo at hepe ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang lokal.
Naroon din sina 101st Infantry Brigade Commander BGEN Alvin Luzon, PA, 4th Special Forces Battalion Commanding Officer LTC Adol Ian Garceron, PA, at Deputy Brigade Commander COL Frederick Sales, PA. Kasali rin sa mga dumalo sina Acting Isabela City Fire Marshal SFINSP Vincent Toribio, PCG Isabela Station Commander CG ENS Arturo Alamani Jr. at BJMP Isabela City Jail Warden JSINSP Samuel Nasiad. Nagpakita rin sina DepEd SDO Isabela City SDS Dr. Jay Montealto, NCIP Basilan Provincial Director Engr. Jorge Jocutan, DOLE Isabela City Field Office SLEO Marlyn Anoos, GSIS Basilan Head Luisito Sabado, ISAWAD General Manager Mucthar Muarip, pangulo ng Isabela City OFW Federation na si Berkis Dacuycoy, pangulo ng PCCI Basilan Margarita Auxtero, katuwang na tagapangulo ng Local Economic and Development Council Victor Moore Infante Ututalum at iba pa.
Ang GoGo Isabela Caravan ay bahagi ng programang Information Revolution ng pamahalaang lokal na magpapakalat ng impormasyon sa mga sektor at susuyurin ang mga komunidad upang magbahagi ng kaalaman tungkol sa mga usapin gaya ng Good Governance, Environmental Stewardship, Championing Gender Fairness, Peace and Conflict Resolution, Economic Emancipation, Youth Empowerment, Media and Information Literacy, Financial Literacy at iba pa.
Simula nang maluklok sa pwesto noong 2019, naging pangunahing plataporma na ni Punong Lungsod Sitti Djala Turabin-Hataman ang pagpapalakas ng kamalayang pampubliko sa pamamagitan ng iba’t ibang proyekto at inisyatibang naglalayong palakasin ang pundasyong demokratiko ng Lungsod ng Isabela bilang lunsuran ng mithiing marangal, maligaya at mariwasang buhay para sa lahat ng Isabeleño. (Sulat ni M. Guerrero/Kuha ni M. Santos, CIO)