PAGDATING NG ‘SUPER EL NIÑO,’ PINAGHAHANDAAN NA

Date posted:

Nagpulong ang City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC), Hunyo 10, na pinangunahan nina Alkalde Sitti Djalia Turabin-Hataman, kasama sina Konsehal Al-Ameen Camlian at CDRRMO Uso Dan Salasim upang talakayin ang mga kinakailangang paghahanda at mga agarang hakbang kaugnay ng inaasahang epekto ng “Super El Niño” sa Lungsod ng Isabela.
Sa pulong, binigyang-diin ang kahalagahan ng maagap na koordinasyon ng mga tanggapan ng pamahalaan upang mabawasan ang posibleng epekto ng matinding tagtuyot sa mga komunidad, sektor ng agrikultura, suplay ng tubig, at iba pang mahahalagang serbisyo.
Sa direktiba ni Alkalde Turabin-Hataman, bumuo ng isang Technical Working Group na magsasagawa ng pagsusuri sa datos at karanasan ng lungsod sa mga nakaraang El Niño. Inatasan din ito na magbigay ng mga rekomendasyon at konkretong hakbang upang higit pang mapalakas ang kahandaan ng lungsod at maprotektahan ang kapakanan ng mamamayan.
Tinalakay rin sa pagpupulong ang mga mga hakbang paghahanda gaya ng mga estratehiya sa pag-iimpok ng tubig upang matiyak ang maagap at epektibong pagtugon sa mga hamong maaaring idulot ng Super El Niño.
Patuloy na hinihikayat ng Pamahalaang Lungsod ng Isabela ang lahat ng sektor na makiisa sa mga hakbang sa pagtitipid ng paggamit ng tubig at manatiling mapagmatyag sa mga abiso ng mga kinauukulang ahensya upang mapanatili ang kaligtasan at katatagan ng komunidad. (Kuha ni M. Santos, CIO)
Scroll to Top